top of page
Search
BULGAR

Centralized national 911 system, tugon sa mga emergency

ni Ryan Sison @Boses | Nov. 23, 2024



Boses by Ryan Sison

Sa hangaring mapabuti ang koordinasyon at ginagawang pagtugon ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno para sa parehong krimen at disaster emergencies o mga kalamidad, planong itatag ang isang centralized national 911 system sa Pilipinas.


Ito ang isinusulong ni Office of Civil Defense (OCD) Administrator, Undersecretary Ariel Nepomuceno, kung saan tinalakay din niya ito sa kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG), na layong makaresponde sa mga oras sa panahon ng krisis sa buong bansa.  


Sa inisyal na plano, ayon kay Nepumuceno, posibleng pagsama-samahin na ang lahat ng sistema at protocol na nakapaloob sa crime emergency at disaster emergency response, habang bubuo ng isang national protocol na magagamit at susundin para sa episyenteng pagtugon dito.


Binigyang halimbawa naman ng opisyal ang kumplikado umanong sistema sa disaster management structure na sinusunod sa bansa at ang posibilidad ng pagkalito ng publiko sa paggamit nito.


Giit ni Nepomuceno, ang epektibong emergency management ay nakasalalay sa maayos na pagsasama-sama ng bawat kagawaran ng pamahalaan na may kani-kanyang papel na gagampanan.


Sinabi niya na ang Department of Science and Technology (DOST) ay pangunahing responsable para sa mitigation, na nakatuon sa pagpapahusay sa katatagan ng komunidad upang mabawasan ang potensyal na pinsala.


Ang DILG ay mangunguna sa mga paghahanda para sa mga disaster o sakuna at titiyak sa mga hakbang na isasagawa bago pa tumama ang mga kalamidad. Habang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay siyang lead sa mga response effort.


Nagsisilbi namang forefront ang National Economic and Development Authority (NEDA) sa pagbuo ng mga long-term solution sa mga kalamidad gaya ng pagsasaayos at muling pagtatayo ng mga imprastraktura.


Sa kasalukuyan aniya, ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay binubuo ng 45 member agencies, kabilang ang mga kinatawan mula sa private sector, upang matiyak ang isang coordinated response, base sa partikular na estado ng isang emergency.


At bilang secretariat ng NDRRMC aniya, ang OCD ay gumaganap ng mahalagang papel sa pagpapadali ng komunikasyon at koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno.


Panahon na rin sigurong magkaroon tayo ng sentralisadong sistema ng emergency na tutugon sa pangangailangan ng ating mga kababayan.


Kung titingnan kasi sa ibang mga bansa, mabilis ang pagresponde ng mga otoridad nila sa anumang emergency dahil sa naturang integration ng kanilang government agencies, kaya naman nagagawa masagip agad at ma-secure ang mga mamamayan nila sa tiyak na kapahamakan.


Sana nga ay hindi lamang ito isang pangarap kundi matupad at mangyari para sa ikabubuti ng taumbayan at ng ating bansa.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page