ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | November 19, 2022
Winalis ni Asian 9-Ball champion Chezka Centeno ng Pilipinas ang mga karibal upang makapasok sa semifinals ng US Pro Billiards Series: Medalla Light Puerto Rico Open sa San Juan, Puerto Rico.
Patuloy namang nakatàas ang bandila ng bansa sa kalalakihan matapos maselyuhan nina "The Black Tiger" Carlo Biado at "Superman" Roberto Gomez ang kani-kanyang upuan sa quarterfinals. Tinalo ni Biado si Ping Chung Ko, 2-1, habang 2-0 ang naging armas ni Gomez kontra kay Clark Sullivan sa kanilang duwelo sa round-of-16.
Bokyang iskor ang ipinatikim ng Pinay sa mga Amerikanang sina Maria Juana, 2-0 at Monica Webb, 2-0, bago niya sinilat si 2010 World 10-Ball queen Jasmin Ouschan mula sa Austria sa iskor na 2-1 sa winners' qualification round para magkaroon ng upuan sa yugtong hindi na puwedeng kumurap kung hindi ay maoobliga siyang maging miron na lang.
Sa round-of-16, pinaluhod ni Centeno si Yuki Hiraguchi (2-0) kaya nakapasok na ang una sa quarterfinals. Pagkatapos nito ay ginamit ng Pinay ang panalo kay Sylviana Lu sa quarterfinals, 2-0, para makausad sa final 4 kung saan muli niyang makakaharap si Ouschan.
Tuluyan naman nang naging tagapalakpak si 2-time World 10-Ball Championships winner Rubilen Amit nang dumapa ang Cebuana kay Lu, 0-2, noong preliminary stage.
Nauna rito, tinuruan niya ng leksyon si Amalia Matas bago nasingitan ni Tzu Chien Wei, 2-1.
תגובות