top of page
Search

Cebu governor swabbing policy, kapuri-puring inisyatibo

BULGAR

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 11, 2021



Saludo tayo sa naging hakbang ni Cebu Governor Gwen Garcia matapos itong maglabas ng Executive Order na naglalayong ipatupad ang swabbing policy na isang napakagandang hakbang para maibsan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa kanilang lalawigan.


Kamakailan ay naglabas ng E.O. No. 17 Series of 2021 ang pamahalaan ng Cebu sa pangunguna ni Gov. Garcia at aprubado naman ng Provincial Ordinance No. 2021-04 ng Cebu Provincial Board ang kautusang ipatupad ang Swab-Upon-Arrival Policy sa kanilang lugar.


Isinulong mismo ni Gov. Garcia ang nabanggit na executive order upang atasang isailalim sa RT-PCR swab test ang mga Overseas Filipino Worker’s (OFW’s) at Returning Overseas Filipino (ROF) na nakabase abroad sa oras na bumalik sila sa kanilang probinsiya.


Kung sa loob ng 24-oras ay magiging negatibo ang resulta nito ay agad silang pauuwiin sa kanilang tahanan para sumailalim naman sa 14-araw na quarantine sa ilalim nang pamamahala ng kani-kanilang barangay na alinsunod sa panuntunan ng lalawigan.


Makaraan ang pitong araw ay muli silang isasailalim sa ikalawang swab test na isasagawa naman ng mga representante ng Local Government Unit (LGU) para masigurong wala nang peligro na sila ay makapanghawa pa.


Kaiba ito sa inilabas na panuntunan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na sa tingin ng mga OFW’s at ROF’s ay nadagdagan ang kanilang sakripisyo, gastos at pagkaantala na makita agad ang kani-kanilang mahal sa buhay.


Base sa IATF-EID ay dapat manatili sa hotel at accredited quarantine facilities nang hindi bababa sa loob ng 10-araw sa oras na lumapag sila sa Cebu at isasailalim lamang sa swab test makalipas ang pitong araw mula nang sila ay dumating.


Dahil dito ay agad tayong nagpadala ng sulat sa tanggapan ni Gov. Garcia upang iparating sa kanya ang ating buong pusong suporta at papuri dahil sa kanyang napakamakataong inisyatibo na bigyang-konsiderasyon ang ating mga OFWs at ROFs na lubhang napakalapit sa ating puso sa gitna ng pandemyang ito.


Ang kanilang pagkabalisa dahil sa kawalan ng seguridad sa kanilang trabaho, pananalapi, kalusugan at kaligtasan habang malayo sila sa kani-kanilang pamilya ay walang katumbas na halaga at ang makauwi at makita ang kani-kanilang pamilya sa pinakamabilis na panahon ang higit na mahalaga.


Kaya ang walang pagsidlang pananabik ng mga OFWs at ROFs ay binigyang tuldok ni Gov. Garcia sa pamamagitan nga nitong “Swab-Upon-Arrival-Policy” na isa talagang kahanga-hangang hakbangin na kinapapalooban hindi lamang ng serbisyo publiko kung hindi ng kabutihan at pagmamahal.


Hindi rin naman sumasalungat sa inalabas na guidelines ng IATF-EID ang swabbing policy na ito ni Gov. Garcia dahil sa halip ay nakatulong pa nga para mapagaan ang sitwasyon ng lahat ng mga bagay-bagay na may kaugnayan sa sitwasyon.


Higit na mahalaga ay nawala na ang dalawang linggong mandatory quarantine sa hotel na talagang napakagastos bukod pa sa sinasabi ng mga eksperto na wala namang pagkakaiba ang swab test sa mismong oras nang pagdating at swab test pagkalipas ng pitong araw na gusto ng IATF-EID.


Isa pa, hindi naman pauuwiin ang mga OFWs at ROFs kung hindi sila negative sa swab test at itutuloy naman nila ang home quarantine, kaya wala namang dapat ipag-alala na sila ay makakapanghawa ng virus.


Bukod sa inyong lingkod ay suportado rin ang swab test policy na ito ng mga Kongresista mula sa pitong iba’t ibang distrito ng Cebu na kahit magkakaiba ang mga paliwanag ay iisa ang pinatutunguhan na sadyang napakaganda umano nito para sa kapakanan ng mga OFWs at ROFs.


Tuwang-tuwa rin si Sen. Juan Edgardo ‘Sonny’ Angara sa pagsisikap na ito ng pamahalaan ng Cebu dahil sa napakalaking tulong at kaluwagan umano ito para sa panig ng mga kababayan nating galing sa ibang bansa partikular ang mga OFWs.


Maging si Senate President Vicente Sotto, III ay nagpahayag na ang inisyatibong ito ay “win-win” situation para sa OFWs, ROFs at sa panig ng pamahalaan partikular ang IATF-EID na nag-aatas ng obligadong quarantine at swab test.


Kaya hindi na tayo nagdalawang-isip na suportahan ito at agad tayong nakipag-ugnayan sa tanggapan ni Health Secretary Francisco Duque, III na siyang Chairman ng IATF upang maresolba na ang mga malilit na detalye na maaring maging hadlang para sa polisiyang ito.


Sa ngayon ay nagpahayag na ng pasasalamat ang maraming OFWs at ROFs dahil sa pagmamalasakit na ito ng provincial governor ng Cebu at walang tigil ang kanilang panalangin na sana ay maipatupad na ito agad-agad nang wala ng anumang problemang kakaharapin.


Buo ang ating pag-asa na ang kabutihan at kahalagahang dulot ng swab policy na ito ay mapapansin ng IATF-EID, sana lang ay tama ang pagkakasuot nila ng facemask para sakto lang sa bibig, ilong at hindi masakop ang mata upang makita nila nang maliwanag ang magandang dulot ng polisiyang ito.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page