ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 10, 2022
Patuloy ang lakbay ng Pilipinas paakyat sa FIBA 3x3 World Ranking sa pagsabak ng Cebu Chooks sa FIBA 3x3 Penang Challenger 2022 ngayong Sabado sa Queensbay Mall ng Penang, Malaysia. Masusubukan ang mga pagbabago sa koponan laban sa mga bigatin mula sa Serbia at Mongolia sa Grupo A upang makapasok sa playoffs sa Linggo ng hapon.
Magsisilbing bagong mukha sa Cebu ang dating PBA Rain Or Shine player na si Vince Tolentino. Pinalitan ni Tolentino si Mike Harry Nzeusseu na nagkaroon ng suliranin sa kanyang visa at hindi sumama sa biyahe.
Nariyan pa rin ang mga nangungunang Pinoy 3x3 superstar na sina Mark Jayven Tallo, Zachary Huang at Brandon Ramirez. Kapipirma lang ni Tolentino noong nakaraang buwan kasabay ng dating University of Santo Tomas sentro Dave Ando na ihahanay sa sister team Manila Chooks.
Unang haharapin ng Chooks ang Zavkhan MMC Energy ng Mongolia sa 4:10 ng hapon.
Susundan ito ng pagkikita muli sa numero unong koponan Liman Huishan NE ng Serbia sa 6:50 ng gabi.
Mag-uuwi ng $15,000 (P855,000) ang kampeon at sila at ang magtatapos ng pangalawa ay tutuloy sa Paris Masters ngayong Oktubre 8 at 9 sa Pransiya. Ito na ang ika-limang pagkakataon na ginanap ang Penang Challenger.
Nasa Grupo B ang Ulaanbaatar MMC Energy ng Mongolia, New York Harlem ng U.S. at Paris ng Pransiya habang nauna na sa Grupo C ang Princeton ng U.S. at Sansar MMC Energy ng Mongolia at nasa Grupo D ang Lausanne ng Switzerland at Belgrade Partizan ng Serbia. Paglalabanan ang nalalabing mga upuan sa Grupo C at D ng Saitama at Utsunomiya ng Japan, Lusail ng Qatar, Zaisan MMC Energy ng Mongolia, Pirot ng Serbia at Penang World Hoops ng host Malaysia sa qualifying round sa umaga.
Mga laro ngayong Sabado – Queensbay Mall, Penang 4:10 PM Cebu Chooks vs. Zavkhan MMC Energy; 6:50 PM Liman Huishan NE vs. Cebu Chooks
Comments