ni Anthony E. Servinio @Sports | August 12, 2023
Kukunin ng bagong anyong Cebu Chooks ang pagkakataon na maghatid ng karangalan sa Pilipinas sa kanilang paglahok sa FIBA3x3 Sukhbaatar Challenger simula ngayong Sabado sa Mongolia. Ito ang unang sabak ng kombinasyon nina Calvin Payawal, Isaiah Blanco Hontiveros, Jean Victor Nguidjol at playing coach Chico Lanete at gugulatin nila ang mga kalaro na hindi pa sila napapanood.
Inilagay ang Cebu sa Grupo D at una nilang haharapin ang Miami ng Estados Unidos sa 3:20 ng hapon. Babalik sila para sa tapatan sa Futian ng Tsina sa huling laro ng group stage sa 6:40 p.m.
Ang Miami ay binubuo nina Canyon Barry, Jimmer Fredette, Dylan Travis at Kareem Maddox at silang apat mismo ang pambansang koponan ng Amerika na pumangalawa sa Serbia sa 2023 FIBA3x3 World Cup noong Hunyo sa Austria. Tinalo ng Futian ang Manila Chooks sa Yichang Challenger noong nakaraang linggo, 21-20, subalit mas lumakas sila ngayon sa pagbabalik ni import Dimeo van der Horst na sasamahan sina Thibaut Vervoort, Guo Hanyu at Zhang Wei.
Ang Cebu ang may pinakamababang ranggo sa 13 kalahok subalit inilagay sila agad sa main draw at hindi na dadaan sa qualifier. Napilitan wakasan ni Lanete ang kanyang pag-retiro matapos magkaroon ng suliranin sa papeles ang isa nilang import Lenda Douanga ng Adamson University at hindi nakalakbay.
Si Hontiveros ay huling naglaro para sa De La Salle University at anak ni MBA at PBA alamat Donaldo Hontiveros ng Cebu City. Nakapaglaro sa NBA G League para sa Austin Spurs si Nguidjol matapos ang kanyang panahon sa Lyceum of the Philippines University. Dahil sa mga puntos na nalikom ng Manila Chooks mula sa Wuxi at Yichang Challenger, umakyat sa ika-28 mula sa ika-29 ang Pilipinas sa FIBA3x3 World Rank.
Opmerkingen