ni Ryan Sison @Boses | September 8, 2024
Para sa mga motorista na gumagamit ng Manila-Cavite Toll Expressway (CAVITEX) pinapayuhan na magkarga na ng load sa kanilang mga radio frequency identification device (RFID) dahil magsasagawa ang toll plaza ng cashless toll collection.
Inanunsiyo ng PEA Tollway Corp., ang operator ng CAVITEX, na ang dry run ng 100% RFID sa lahat ng toll plaza at walang cash lane ay magsisimula sa September 14, 2024.
Kabilang sa mga kalahok na toll booth ng CAVITEX sa dry run ay ang Parañaque (R1 Expressway) Toll Plaza at Kawit (R1 Extension Expressway) Toll Plaza.
Samantala, ayon sa Toll Regulatory Board (TRB), sa ipapatupad na dry run, ang mga motorista na walang RFID stickers ay ididirekta sa isang safe place o location kung saan maaari silang magbayad ng mga toll fee ng cash, habang kukumbinsihin silang magkaroon ng RFID sticker sa kanilang mga sasakyan.
Sinabi pa ng TRB, bagama’t pinapayagan pa rin ang cash payment ng toll fees, ang mga motorista ay hinihikayat naman na mag-install na ng RFID para sa mas mabilis at maginhawang pagpasok at paglabas sa mga toll plaza.
Matatandaang ipinagpaliban ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapatupad ng revised guidelines sa mga toll expressway na gagawin sa October 1, na dapat sana ay epektibo noong August 31.
Ginawa ito ng DOTr para mabigyan ng mas mahabang panahon ang mga motorista na maging pamilyar sa mga bagong alituntunin na kalaunan ay dapat na ring sundin.
Kailangan sigurong mag-install na ng RFID at kargahan ito ng load ng mga motorista ang kanilang sasakyan bago pa ang itinakdang araw kung daraan man sila sa CAVITEX.
Kahit na hindi naman huhulihin o titiketan ng mga otoridad ay magdudulot pa rin ito ng pagkaantala at abala sa kanilang mga pupuntahan.
Sa ating mga kababayan, mas mabuting gawin na lang natin ang ipinatutupad na polisiya hinggil sa RFID para hindi na rin tayo maperhuwisyo pa at upang maging maayos din ang ating pagbiyahe.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comentarios