ni Anthony E. Servinio @Sports | May 1, 2024
Pumulot ng mahalagang tagumpay sa NBA Playoffs kahapon ang Cleveland Cavaliers kontra Orlando Magic, 104-103, upang lumamang ng 3-2 sa serye sa Rocket Mortgage Field House. Parehong ding nanatiling buhay ang Milwaukee Bucks at Philadelphia 76ers sa kanilang mga serye.
Matapos ang dalawang malamyang pagkabigo sa tahanan ng Magic na nagtabla ng serye sa 2-2, umuwi ang Cavs subalit pumalag pa rin ang Orlando. Lamang lang ng 102-100 ang Cleveland at sinalba sila ng depensa ni Evan Mobley na pinalpal ang tira ni Franz Wagner na magpapatabla sana.
Binigyan ng foul si Donovan Mitchell at walang kabang ipinasok ang mga free throw para maging 104-100 at sinara ni Paolo Banchero ng Magic ang laro sa tres sa huling busina. Bumanat ng 14 ng kanyang 28 sa fourth quarter si Mitchell.
Tinambakan ng Bucks ang bisitang Indiana Pacers, 115-92, at maantala ang pagsungkit ng Pacers sa seryeng-best-of-seven. Parehong double-double sina Khris Middleton na 29 puntos at 12 rebound at Bobby Portis na 29 at 10 rebound.
Patuloy ang pangungulila ng Bucks sa kanilang mga pilay na bituin Giannis Antetokounmpo at Damian Lillard subalit inangat ng kanilang mga kakampi ang laro at nahuling natutulog ang dapat ay matalas na opensa ng Pacers. Kumilos ang Milwaukee sa second quarter kung saan nagsama para sa 19 sina Patrick Beverley at Middleton para maagaw ang lamang, 53-48, at hindi na nila ito ipinamigay hanggang lumobo sa 107-80 sa salpak ni Portis.
Uminit para sa 46 si Most Improved Player Tyrese Maxey at ginulat ng bisitang 76ers ang paboritong New York Knicks sa overtime, 112-106. Triple double si MVP Joel Embiid na 19, 16 rebound at 10 assist.
Bumira si Maxey ng three-points na may siyam na segundo sa fourth quarter, 97-97, at itakda ang karagdang limang minuto. Namayagpag pa rin si Maxey sa overtime at tinuldukan ang laro ng dalawang paniguradong free throw sa huling limang segundo.
Comments