ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Enero 23, 2024
Sa resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), 76 porsyento ng mga mag-aaral na 15 taong gulang ang hindi umabot sa minimum proficiency sa Reading. Sa madaling salita, karamihan ng mga mag-aaral sa bansa ay nahihirapan sa pagbabasa.
Kaya maganda ang ideya ng Department of Education (DepEd) na magpatupad ng programang tulad ng ‘Catch-Up Fridays’ upang iangat ang kakayahan ng mga mag-aaral pagdating sa pagbabasa.
Sa 2022 PISA, mababa pa rin ang average (347) na marka ng Pilipinas kung ihahambing sa average (476) na naitala sa mga bansang kasapi sa Organization for Economic Co-Operation and Development (OECD). Batay sa marka ng mga bata noong nakaraang PISA, naiintindihan ng mga 15 taong gulang na mga mag-aaral ng bansa ang literal na kahulugan ng mga pangungusap.
Sinusuportahan natin ang pagsasagawa ng ‘Catch-Up Fridays’ dahil ito ay mag-aambag sa pagpapalakas ng kakayahan ng ating mga mag-aaral na bumasa. Nakita natin sa datos na marami sa ating mga kabataan ang nangangailangan ng tulong pagdating sa pagbabasa, kaya naman mahalagang suportahan natin ang mga programang tutugon sa pangangailangan nila.
Mula nang inilunsad ng DepEd ang ‘Catch-Up Fridays’ noong Enero 12, pinapatakbo ang programa sa lahat ng mga public school sa elementary at high school, pati na rin sa mga community learning centers (CLCs) sa buong bansa.
Sa ilalim ng DepEd Memorandum No. 001 s. 2024, ilalaan ang Drop Everything and Read activity sa lahat ng mga araw ng Biyernes sa buwan ng Enero. Lahat ng Biyernes sa buong school year ay naka-focus sa National Reading Program (NRP) sa unang kalahating araw, habang sa pangalawang bahagi naman ay uupuan nila ang mga paksang Values, Health, at Peace Education. Kabilang rin ang Mathematics Programs.
Bilang chairman ng Committee on Basic Education sa Senado, isinusulong ng inyong lingkod ang mga panukalang batas na magpapatatag ng kakayahan ng mga mag-aaral sa pagbabasa. Isa rito ang ARAL Program Act (Senate Bill No. 1604) na layong magpatupad ng isang national learning recovery program upang tugunan ang pinsalang dulot ng pandemya ng COVID-19. Inihain din natin ang National Reading Month Act (Senate Bill No. 475) na layong gawing institutionalized ang pagdiriwang ng National Reading Month tuwing Nobyembre at isulong ang kultura ng pagbabasa.
Sa pamamagitan ng mga learning recovery program, titiyakin nating matututukan natin ang pangangailangan ng mga kabataang mag-aaral upang hindi sila mapag-iwanan pagdating sa kanilang kaalaman.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments