ni Lolet Abania | January 20, 2021
Inaasahan na makararanas ang Isabela, Quirino, Aurora at silangang bahagi ng Cagayan ng katamtaman hanggang sa malakas na pagbuhos na may minsang pabugsu-bugso at malalakas na pag-ulan sa susunod na 24-oras dahil sa pinagsamang epekto ng low pressure area (LPA) at ang tail-end ng isang frontal system.
Sa inilabas na advisory ng PAGASA ngayong alas-11:00 ng umaga, nabuo ang nasabing LPA sa silangan ng Southern Luzon nang alas-8:00 ng umaga, habang tinatayang nasa 250 km silangan ng Virac, Catanduanes nang alas-10:00 ng umaga ngayong araw.
Gayunman, hindi ito madedebelop na isang tropical depression sa susunod na 24-oras.
Makararanas din ang Cordillera Administrative Region, CALABARZON, Nueva Ecija, Bulacan, Camarines Norte at natitirang bahagi ng Cagayan Valley ng mahina hanggang sa katamtaman at paminsan-minsang malakas na buhos ng ulan.
Ang tail-end ng isang frontal system ay nakakaapekto sa eastern section ng Central Luzon.
Samantala, ang LPA na namataan sa northeast ng Romblon, Romblon ay nalusaw na bandang alas-8:00 ng umaga ngayong araw, ayon sa PAGASA.
Pinapayuhan ng PAGASA ang lahat sa posibleng pagbaha at landslides sa mga lugar na mabababa dahil sa malalakas at tuluy-tuloy na pagbuhos ng ulan. Gayundin, maging mapagmatyag at mag-ingat sa lahat ng oras.
Comments