ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | January 03, 2022
Agree tayo sa pagbibigay-trabaho ng DOLE sa mga pinakamatinding dinale ng Bagyong Odette sa Central Visayas, Northern Mindanao at Caraga.
Partikular na ang mga paglilinis ng mga kanal, pagsasaayos o maayos na segregation sa iba't ibang bagay na winasak ni "Odette", at iba pang trabaho para sa rehabilitasyon sa mga lugar na matinding hinagupit ng bagyo.
Malaking bagay na binadyetan ng DOLE ng P100 milyon ang sampung araw na emergency employment ng 25,000 na informal workers sa naturang mga lugar sa ilalim ng flagship cash-for-work Tulong Panghanap-buhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD program.
Sa harap nito, IMEEsolusyon na i-push pa more ang ganitong ayuda. Baka meron pa namang mahuhugot na badyet ang iba pa nating mga ahensya ng gobyerno, tulad ng DENR na baka pwedeng kumuha ng mga informal workers para magtanim ng mga pamalit na mga puno sa mga pininsala ng bagyo kabilang ang mga nasa kabundukan, sa abot-kaya nitong badyet na pambayad.
Ikalawa, batid nating ang DPWH ay mayroon ding Trabahong Lansangan Programang Pantawid Pamilyang Pilipino na baka naman puwede ring ipatupad para sa mga lokal na residenteng binagyo sa nabanggit na mga lugar.
IMEEsolusyon rin na ang mga negosyanteng nagmamay-ari ng mga mall o malalaking hardware o tindahan, gasolinahan o anumang negosyo na tinamaan ng bagyo, eh, hangga’t maaari kumuha ng mga lokal na residenteng trabahador.
Kapag kasi mismong mga taga-lugar ang kukuning pansamantalang workers, eh, mas bibilis ang pag-asenso ng komunidad na sinalanta ng bagyo. Bakit? Siyempre, sa halip na nakaantabay lang sila sa mga ayuda, eh, may iba pa silang pagkukunan ng pangsuporta at pangkain sa kani-kanilang pamilya.
Nakatulong na sila sa pagsasa-ayos ng kani-kanilang mga lugar, may kontribusyon pa ito sa lokal at pambansang ekonomiya, 'di ba?
'Ika nga, kone-konektado kasi ang lahat at hindi lang dapat huminto sa relief goods ang pagbibigay-ayuda. IMEEsolusyon sa pagbangon ang remedyo tulad ng hanapbuhay, para tugunan ang pangangailangan ng mga nabibiktima ng anumang sakuna o kalamidad.
Comentários