ni Mary Gutierrez Almirañez | April 6, 2021
Binalaan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga opisyal na mamimigay ng maling ayuda sa bawat barangay.
Ayon kay DILG Undersecretary Martin Diño ngayong Abril 6, “Hindi lang po namin kayo ipatatanggal, ang gusto ni Presidente ipakulong na kayo, 'yung mga gagawa ng pamimili. 'Yung iba, kokotongan pa ‘yung mga nabigyan. ‘Yung iba, hahati-hatiin. ‘Wag na dahil nasubukan na natin ito nu’ng first tranche.”
Dagdag pa niya, “Nakita n’yo naman na kahit sa social distancing ay nagsususpinde na kami ng mga tao kaya ayusin n’yo, lalo na roon sa mamimigay ng ayuda. Huwag n’yong pakialaman ‘yan. Inuulit namin dahil baka iyan pa ang ikatanggal ninyo sa puwesto o baka ikakulong n’yo na ngayon... Magmula sa mayor hanggang sa mga barangay captain."
Ipinaliwanag niya na mayroon lamang 15 araw ang mga mayor para ipamahagi ang cash na ayuda, habang 30 araw naman kung in-kind goods.
Nilinaw din ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya ang ipinagkaiba ng cash at in-kind goods na maaaring matanggap ng mga residente sa NCR Plus Bubble.
Aniya, “Ito pong ipinamigay na relief goods ay mula po iyan sa local government... Ito pong unang wave ng ayuda na mga food items, ito po ay mula sa inyong local government unit. At ‘yun namang paparating na cash ay galing naman po sa national government… May isang ayuda from local, may isang ayuda from the national. 'Yung local ay nagsisimula na at namimigay na. ‘Yung national, magsisimula ngayong linggo. So itong mga ayudang ito, ito ‘yung ipamimigay ng pamahalaan sa panahon ng ECQ, whether may extension o wala.”
תגובות