ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | December 13, 2021
Pormal nang naipagtanggol ni GM Magnus Carlsen ang trono bilang world chess champion nang ilampaso ng Norwegian si Russian GM Ian Nepomniachtchi, 7.5-3.5, bagamat may tatlong laro pa ang natitira sa face-to-face na engkwentro sa Dubai.
Ang sagupaan ay naging dikdikan sa unang limang laro dahil sa fighting draws nina Carlsen at Nepomniachtchi. Pero sa Game 6, dinurog ni Carlsen ang Ruso. Simula noon, nagsimula nang gumuho ang hamon ng challenger sa nakatakda sanang 14-game na duwelo. Limang beses nang naging world champion si Carlsen simula nang agawan ng titulo si GM Vishwanathan Anand noong 2013.
Samantala, muling nakapasok sa semis ng Speed Chess Championships si GM Wesley So nang iposte ang dominanteng 17.5-9.5 laban kay dating world championship challenger at Italian-American GM Fabiano Caruana. Nauna rito, isang come-from-behind na 18.0-14.0 na panalo ang naitakas ni So, dating hari ng ahedres sa Pilipinas, mula kay GM Jeffrey Xiong (U.S.A).
Pagkatapos idispatsa si Caruana sa quarterfinals, haharapin ni So, kasalukuyang U.S. Chess titlist at FIDE World Random Fischer king, si GM Nihal Sarin ng India. Bukod kina So at Sarin, nasa semifinals na rin sina GM Ding Liren ng China at ang pre-favorite GM Hikaru Nakamura mula sa U.S.A Chess Federation.
Dito sa bansa, napanatili nina IM Daniel Quizon at IM Ricardo De Guzman ang 1-2 na puwesto sa Philippine National Chess Championships Grand Finals. Ang binatilyong si Quizon ay may perpektong marka (5 puntos sa limang laro) habang si De Guzman bagong hari ng National Seniors Chess, ay may naipong 4 puntos.
Comments