top of page
Search
BULGAR

Carlos Yulo, hindi lang isang kampeon, isa nang alamat!

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | August 19, 2024


Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Ngayong araw, Lunes (August 19) ay nakatakdang salubungin ng buong Senado ang ating golden boy na si Carlos Yulo kasama ang ibang Pinoy Olympians na nagpakitang gilas sa 2024 Paris Olympics kasunod ng inihain nating resolusyon patungkol sa pagbibigay parangal sa mga ito.


Noong August 5, 2024 ay nagsumite tayo ng Senate Resolution No. 1097 na naggagawad ng parangal kay Carlos Yulo sa pag-uwi ng 2 gintong medalya sa bayan, at Senate Resolution No. 1128 na kumikilala sa ipinamalas na galing ng buong delegasyon ng Philippine Team na sumabak sa 2024 Paris Olympics.


Sa Senado, tayo ang kauna-unahang may akda ng mga nasabing resolusyon kung kaya’t ikinagalak nating tumindig sa bulwagan noong nakaraang Miyerkules nang kilalanin ng kapulungan ang tagumpay ni Caloy at buong Philippine Team. Bilang principal author ng Senate resolutions na na-adopt at nilagdaan din ng Senado noong August 14, 2024, masaya nating kinilala ang husay, giting at puso nila, na siya namang naging daan upang makamit nila ang pangarap para sa sarili at bayan.


Nais ko ring ibahagi ang ilan sa nilalaman ng aking sponsorship speech nang lumusot sa Senado ang mga nasabing resolusyon, narito: 


“Sa pagkakataong ito, taas-noo nating sinasaluduhan ang isang partikular at natatanging atleta na sadyang kahanga-hanga ang ipinakitang husay at galing – si Carlos “Caloy” Yulo.

Huli nating nakapiling si Caloy dito sa bulwagan ng Senado just a few months ago. Hindi naman sa pagyayabang – pero noon pa lang naramdaman ko na, na maaabot niya ang tugatog ng tagumpay.


Carlos “Caloy” Yulo, ngayon, hindi ka lamang isang kampeon, isa ka nang alamat. 


Parang isang kawayang hindi nabali ng hampas ng hangin… hindi napayuko ng ano mang balakid; bagkus ay sumayaw, lumundag at umimbay sa himig ng tadhana upang makamit ang pinakamataas na tagumpay hindi lamang para sa sarili kung hindi para sa buong bayan.


Nakakatindig-balahibo nang tugtugin ang Pambansang Awit ng Pilipinas na nasaksihan ng buong daigdig – not once but twice. 


Ang sarap sambitin ang mga kataga sa Lupang Hinirang dahil alam nating buhay na buhay sa puso ni Carlos ang alab ng pagkamakabayan sa bawat paglukso at pagsirko. The fire burned so fiercely in his heart for all the world to see, and it brought immense joy and pride to us Filipinos.


‘Yung isang gintong medalya nga ay sapat nang rason ng pagbubunyi. But Caloy did not stop… did not falter… did not tire… even when he already proved himself worthy of recognition. 


Dalawang beses pang tumaginting ang titik at himig ng ating sinisintang bayan upang masaksihan ng buong mundo. 


You are truly our golden boy. Subalit sa kabila ng kinang ng ginto, alam namin ang mga sakripisyo mo na siyang naging kabayaran upang makamit mo ang inaasam-asam na tagumpay. 


Today we honor the pain and struggles that propelled you to the top. At kinikilala rin natin ang bawat segundong iginugol, bawat sakripisyong inialay, at ang mga sugat at pasang natamo sa training na siya namang naging bagwis ng mga pakpak ng iyong pangarap… upang makalipad sa tugatog ng iyong tagumpay.


Kung susumahin ang lahat ng hakbang na nagdala sa iyo sa araw na ito, alam nating dugo, pawis at luha ang naging kabayaran. But you are an epitome of the great Filipino spirit of resilience… never wavering, never bending, never cowering… always ready to soar towards the achievement of your dreams.  


Tunay ngang nananalaytay sa iyo… ang dugo ng Pilipinong malakas, matapang at masikap. At ito mismo ang paulit-ulit mong ipinamalas sa buong daigdig.


Sa araw na ito, nagpapasalamat kami sa iyong pagpupunyagi upang patunayan sa buong mundo na ang Pilipino ay may angking kakayahan na hindi lamang makipagsabayan, kung hindi ang magwagi ano mang hamon, kahit sino ang katunggali.”


Wala na tayong ibang maitatawag kay Carlos Edriel Yulo kundi bayani ng palakasan at kayamanan ng bansa dahil sa kanyang natatanging ipinamalas na galing sa men’s floor exercise final kaya nakapag-uwi ng gintong medalya mula sa 2024 Paris Olympics.


Para naman sa buong Philippine Team, ito ay bahagi rin ng aking talumpati: 


“Alam po natin ang hirap ng training na pinagdaraanan ng ating mga atleta. Madalas naisasantabi ang kanya-kanyang mga personal na pangangailangan upang matutukan ang pagsasanay. 


Upang pandayin ang kanilang mga talento at kakayahan, madalas higit pa sa panahon ang kailangang ialay. Dugo at pawis ang puhunan ng mga kumikinang na medalya at pagkilala.


Ito ang kapalit ng lahat ng iyon… at masasabi naman nating sulit dahil hindi lamang personal na tagumpay ang inyong nakamit kung hindi isang testamento sa buong mundo na ang Pilipinas ay hindi pahuhuli.


In the global stage, you have proven how the Filipino resilient spirit will always shine through… no matter the challenges and hurdles thrown your way. Against the odds, you have not only etched your legacy, you have paved the way for aspiring Filipino athletes to follow in your footsteps.”


Sila ay panghabambuhay na magsisilbing inspirasyon na siya namang tutularan ng mga susunod sa kanilang mga yapak. Ang kuwento nila ang pinakamalinaw na pruweba na ang Pilipinong masikap at mahusay ay Pilipinong nagtatagumpay.


Ang makasaysayang ambag nila sa ating bayan ay nararapat lamang kilalanin at bigyang papuri dahil ang tagumpay nila ay tagumpay ng buong bayan. 


Kaya tiyak na hero’s welcome ang mag-aabang sa kanila ngayong Lunes sa nakatakda nilang pagdating sa Senado. At muli, sa araw na ito, sasaluduhan natin ang tibay ng dibdib na ipinamalas nina Caloy at ng buong Philippine Team.


Anak Ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

ความคิดเห็น


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page