ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 8, 2024
Ika-24 ng Hulyo hinagupit ang maraming bahagi sa Luzon ng Bagyong Carina. Lubog ang mga lugar kabilang ang ating parokya sa Barangay Bahay Toro sa Project 8, Quezon City.
Umabot ng lampas tao ang tubig sa ilang sitio ng barangay.
Napuno ang dalawang basketball court ng Barangay Bahay Toro ng mga lumikas sa baha. Tumanggap kami sa parokya ng mahigit 100 lumikas at mistulang “evacuation center” ang simbahan. Buong araw hanggang kinabukasan, tinutukan ng mga volunteers ng parokya at barangay ang sitwasyon ng mga mamamayang apektado ng Bagyong Carina. Nangalap kami ng tuyong damit, bigas, de-lata at anumang maaaring lutuin para sa mga nilalamig at nagugutom na kabarangay. Pinuntahan namin ang iba’t ibang sulok ng barangay na lubhang apektado ng baha. Sinuyod namin ang ilalim ng tulay sa may Puregold sa kanto ng Congressional Avenue at Visayas Avenue. Itinuro sa amin ang bahay ng pamilyang tinangay ng agos ng tubig sa estero. Nasawi ang mag-asawa at ang kanilang anak. Pero awa ng Diyos, tatlo lang ang biktima sa aming barangay ng Bagyong Carina.
Maganda ang naging pagtutulungan ng barangay at simbahan. Nadama at nakita sa kongkretong paraan ang sinimulan naming “SimBarangayan” sa nakaraang pitong buwan. Nagkasundo kami ni Kap Ferrer na pag-usapan ang isang protocol o kasunduan kung saan babalangkasin namin ang istraktura (mga tauhan at komite) at proseso (daloy ng pagtugon) kapag nagkaroon ng sakuna at lalo na ang paghahanda bago pa dumating ang sakuna. Hindi pa namin nauupuan ito nang biglang dinayo na naman tayo ng Bagyong Enteng. Mabuti na lang at hindi sa Barangay Bahay Toro tumama si ‘Enteng’.
Salamat sa pagkakataong ito, lumihis ng Maynila ang Bagyong Enteng at rumagasa ito sa ibang bayan. Matindi ang tama sa mga bayan at lalawigan ng Rizal. Marami tayong kakilala sa bayan ng Pililla na binaha nang husto ni ‘Enteng’.
Mabilis ang mga bintang kung kani-kanino. At dahil malapit na ang filing of certificate of candidacy mabilis na ginamit ng mga kandidato ang isyu ng bagyo para pagandahin ang sariling reputasyon.
Ngunit sino ba talaga ang dapat sisihin sa masamang epekto ng sakuna? Gobyerno ba o
business tulad ng mga developer na nagtatayo ng mga subdibisyon saan mang merong magandang lugar at mga taong handang bumili ng bahay at lupa sa mga lugar na iyon? Gobyerno ba kung ito ang nangunguna sa quarrying maging sa bundok o sa kaparangan? Gobyerno ba kung ito ang nagbigay ng mga permit sa mga korporasyon, lokal o banyaga na nagsusulong ng mga proyektong makasasama sa kalikasan?
Dahil sa negatibong epekto ng Bagyong Enteng sa mga bayan ng Rizal, dapat lang muling tingnan ng mga taga-Rizal ang positibo at negatibong puntos ng proyektong Kaliwa Dam sa mga kabundukan ng Tanay, Rizal.
Hindi pa nagagawa ang Kaliwa Dam ngunit ganu’n na lang katindi ang epekto ng masamang panahon sa lahat, lalung-lalo na sa mga palayan at kabahayan. Mabuti na lang at merong mga mabubuting mamamayan na nag-oorganisa laban sa Kaliwa Dam. Ganu’n kahalaga ang protesta.
Ngunit, hindi lang maski na anong protesta, kailangan ang matatag, matindi at mahusay na protesta. Naalala pa natin noong 1990 nang gumuho ang Cherry Hills Subdivision at napakaraming natabunan at namatay. Napakarami ring mga bahay na lumubog at tuluyang nilamon ng “underground river” na tinatayuan ng subdibisyon. Alam kaya ng mga nagpatayo ng mga pabahay doon na merong ilog sa ilalim ng mga bahay? Malinaw na hindi batid ng mga bumili ng tirahan dahil maaaring hindi nabili ang mga lupa’t bahay kung nalaman nila ang mapanganib na kalagayan ng subdibisyon.
Maganda ang naging desisyon ni Mayor Gatlabayan ng Antipolo matapos mangyari ang pagguho ng mga bahay sa Cherry Hills Subdivision noong Agosto 2, 1999. Dahil sa trahedyang nagbuwis ng 60 buhay at lumamon ng 378 bahay, nagdeklara ng “moratorium” sa pagtatayo ng mga subdivision sa buong Antipolo.
Hindi ko na maalala kung gaano katagal nanatili ang ban. Ang alam ko lang ay hindi ganoon katagal, maaaring mahigit lang ng isang buwan. At habang merong “moratorium” hindi naman nagkaroon ng pangmalawakang diskusyon tungkol sa nangyari sa Cherry Hills Subdivision. At kung nagkaroon ng malalim at seryosong usapin, marahil tumagal ang development ban.
Matagal nang tapos ang trahedya sa Cherry Hills Subd. at matagal na ring tapos ang development ban. Ano kaya at nagmalasakit ang mga taga-Antipolo at sinabihan ang mayor na pahabain ang development ban? Ano kaya ang ginawang pag-uusap at pag-aaral ng mayor at nagpasyang wala munang mga ‘development’?
At samantalang ganito ang ating kapaligiran, dapat ay itulak na ng lahat ang malawakang pagsagip sa kalikasan. Ang mga mamamayan, pamahalaang lokal at nasyonal, business, mga simbahan, NGO, people’s organizations, at iba pa magising na sana at magbago na tayo bago pa mahuli ang lahat.
Comments