top of page
Search

Care Center sa bawat paaralan para sa mental health

BULGAR

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Feb. 10, 2025



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Nabalitaan ko na may bagong batas na nagtatatag ng mga care center sa bawat pampublikong paaralan. Maaari rin ba itong gamitin ng mga guro at iba pang empleyado na dumadaan din sa matinding stress? — Lourreta


 

Dear Lourreta,


Ang ating Kongreso ay nagpasa ng bagong batas na mas kilala bilang ‘Basic Education Mental Health Act’ sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 12080.  


Sa ilalim ng nasabing batas, inaatasan ang Kagawaran ng Edukasyon na magtalaga ng mga Care Center sa bawat paaralan. Sang-ayon sa Sec. 7 ng nasabing batas:


“Sec. 7. Establishment of a Care Center in Every School; Conversion of Guidance Offices to Care Centers; Utilization of the Career Guidance and Counseling Program Centers. - The DepEd shall establish and maintain a Care Center, hereinafter referred to as the Center, in every public basic education school, as well as ensure their establishment and maintenance in private basic education schools in the country. The Center shall be equipped with functional physical facilities, located within an adequate space where confidentiality is maintained and accessible to all learners including out-of-school children in special cases as defined under Republic Act No. 11610, and the teaching and non-teaching personnel.


For this purpose, ancondary schools may utilize the Career Guidance and Counseling Program (CGCP) Centers required to be established under Section 5 of Republic Act No. 11206, or the Secondary School Career Guidance and Counseling Act”. All existing Guidance and Counseling Offices shall be converted and renamed to “Care Center”. xxx”


Sa ilalim ng nasabing batas ay itinatalaga na magkaroon ng mga Care Center sa bawat pampublikong paaralan sa buong bansa. Itinatalaga ng batas na baguhin ang mga ‘guidance offices’ bilang ‘care centers’ na dapat ay mayroong sapat na pasilidad na magpapanatili ng confidentiality para sa lahat ng mga gagamit ng mga nasabing pasilidad.


Higit pa rito, ito ay hindi lamang para sa mga mag-aaral. Ito ay maaari ring gamitin ng mga teaching and non-teaching personnel ng mga nasabing paaralan upang ang kanilang mental na kalusugan ay mapanatili rin. Pinalawig din ng batas ang paggamit ng mga nasabing pasilidad para sa mga kuwalipikadong out-of-school youth na bahagi ng Alternative Learning System (ALS).


Ang nasabing programa ay inilaan bilang pagkilala sa mga kabigatang maaaring nakapagdudulot ng mental stress, anxiety, o depression sa mga mag-aaral, gayundin sa mga guro at iba pang manggagawa sa loob ng paaralan. Sa pamamagitan ng programang ito at mga pasilidad na itatatag, ang mga bahagi ng paaralan ay mayroong pagkakataon na makadulog sa mga propesyonal upang ang kanilang kalusugang mental ay mapanatili.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page