ni Madel Moratillo | May 8, 2023
Ipinag-utos na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang recall sa lahat ng canned tuna na nakasama sa kanilang naipamahaging family food packs at inirereklamong expired na umano.
Ayon sa DSWD, kasunod ito ng reklamo ng ilang benepisyaryo online.
Sa isang pahayag, sinabi ng DSWD na inatasan na ni Secretary Rex Gatchalian ang lahat ng kanilang regional field offices para sa recall ng nasabing canned tuna.
Hindi naman tinukoy ng DSWD ang mga rehiyon na nakatanggap ng nasabing food packs.
Gayunman, ilan sa mga nauna nang nagreklamo patungkol dito ay ilang residente sa Oriental Mindoro na naapektuhan ng oil spill.
Pinag-aaralan na rin ng DSWD ang mga posibleng parusa sa supplier, kabilang ang pag-hold sa bayad o pag-blacklist sa kanila bilang accredited suppliers ng kagawaran.
Sa kabila ng recall, nilinaw ng DSWD na hindi expired ang mga nasabing canned tuna batay na rin umano sa samples na naiprisinta sa social media.
Comments