top of page
Search

Candy Pangilinan: A selfless mother

BULGAR

ni Crystal Jhen Samson (OJT) @Life & Style | Mar. 28, 2025





Kung kagitingan din lang ang pag-uusapan, hindi maipagkakailang kaya itong gawin ng mga ina ng tahanan. Bilang patunay, may mga katangiang taglay ang kababaihang tulad nila na maipagmamalaki natin gaya ng hindi madaling sumuko, pagiging matatag, mapagmahal at handang lumaban para sa pamilya at sa bansa.


Hindi ba’t marami na ring naitala sa ating kasaysayan ng mga babaeng bayani sa katauhan nina Melchora Aquino, Gabriela Silang at Gregoria de Jesus? Sila ang mga nagbuwis ng buhay at itinuturing na mga ina ng ating bayan.


Sa kasalukuyang panahon, may mga ganitong klase pa rin ng mga ina. Ang mga tulad nila ay may kakayanang gawin ang lahat para itaguyod ang kanilang pamilya sa kabila ng mga hamon sa kanilang buhay, strong-willed ‘ika nga. Isa na rito si Candy Pangilinan na kilalang movie and television actress at comedian simula pa noong 1990.


Umusbong ang kanyang career sa mga mini-series gaya ng ‘For the Love’ (2023), ‘Ang Probinsyano’ (2012), ‘Miracle in Cell No. 7’ (2019), at ang kamakailan lang ipinalabas na Sunny (2024). Bukod sa pagiging mahusay na aktres siya rin ay isang business owner.


Sa kabila ng mga sunud-sunod na mga project sa showbiz na kanyang natatanggap, hindi maitatanggi na nasubok din ang kanyang katatagan kung saan naranasan ni Candy ang napakabigat na hamon sa kanyang buhay. Taong 2003 nang isinilang niya ang nag-iisa anak na si Quentin Alvarado na mayroong ADHD o Attention Deficit Hyperactivity Disorder at may Autistic Spectrum Disorders (Autism).


Kuwento ni Candy, una niyang napansin ang tila sintomas o kondisyon ng kanyang anak nang minsang marinig na hindi pa developed ang pagsasalita nito, hindi rin kayang makipag-eye contact at pagkahumaling sa mga bilog na bagay.


Nang dalhin ni Candy sa isang ispesyalista si Quentin ay doon niya natuklasan ang kalagayan ng anak na may Autism. Bilang optimistic mom at single mother na rin dahil sa hiwalay na sila ng kanyang asawa, hindi nawalan ng pag-asa si Candy, sa halip ay mas tinatagan niya ang sarili para sa kanilang dalawa ng mahal na anak at pamilya.


Doble-kayod ang ginagawa ni Candy at todo-raket din sa mga shows habang nagbebenta ng mga bags para may pang-therapy at gamutan ni Quentin kasi para sa kanya kailangang unahin at dapat maibigay niya ang lahat ng pangangailangan ng anak.


Hindi madali kay Candy ang magpalaki ng anak na katulad ni Quentin, kailangan ng may malawak na pang-unawa, 100% na pag-aalaga, matinding pagsasakripisyo at lubos na pagmamahal.


At dahil din sa suporta sa kanya ng kanyang ina, kapatid at mga kaibigan, dito humuhugot ng lakas si Candy upang magpatuloy sa laban at mabuhay nang masaya kasama ang anak. Labis din ang pasasalamat ni Candy sa Diyos dahil sa ibinigay sa kanyang munting anghel at hindi sila pinababayaang mag-ina.


Gaya ni Candy Pangilinan, ina na may malaking puso at handang gawin ang lahat para mapabuti ang kalagayan ng anak, gayundin sa iba pang mga ina, isang pagsaludo sa inyong lahat!


Kasabay ng pagdiriwang ng Women’s Month, binibigyang pugay natin ang kagitingan ng mga ina at kababaihan sa iba’t ibang dako ng bansa, at kinikilala rin natin ang kanilang katatagan at pagsasakripisyo na handang ialay ang mga sarili maitaguyod lamang ang pamilya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page