ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Dec. 3, 2024
Dear Chief Acosta,
Kamakailan ay napag-alaman namin na may sakit na cancer sa buto ang aming nanay. Kinakailangan siyang sumailalim sa mahaba at magastos na gamutan. Bilang isang payak na pamilya, hindi magiging madali sa amin ang gamutan, lalo na’t ang aming pera ay sapat lamang para sa pang-araw-araw. Mayroon bang ibinibigay na diskwento para sa gamutan sa cancer? Nais ko sanang maliwanagan. Maraming salamat. — Bernadette
Dear Bernadette,
Kinikilala ng ating gobyerno ang cancer bilang isa sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino. Dahil dito, ang ating Estado ay nagsusumikap na ayusin at panatilihing angkop ang mga panlipunang patakaran at benepisyo para sa mga taong may cancer.
Ang Republic Act (R.A.) No. 11215, o mas kilala bilang “National Integrated Cancer Control Act,” ay naisabatas upang bigyang tugon ang mga hinanaing ng ating mga kapwa Pilipinong pilit na lumalaban sa sakit na cancer. Sa katunayan, kinikilala ng ating batas ang mga taong mayroong cancer bilang mga Persons with Disabilities (PWD) o mga taong may kapansanan. Nasasaad sa Seksyon 25 ng nasabing batas na:
“SECTION 25. Persons with Disabilities. – Cancer patients, persons living with cancer and cancer survivors are considered as persons with disabilities (PWDs) in accordance with Republic Act No. 7277, as amended, otherwise known as the “Magna Carta for Disabled Persons.”
Alinsunod sa nasabing probisyon ng batas, ang mga pasyenteng may cancer at dating may cancer ay kinikilala bilang PWDs. Dahil dito, ang mga cancer patient o dating may cancer ay binibigyan ng kaparehong karapatan at pribilehiyo katulad ng isang taong may kapansanan o PWD. Batay Seksyon 26 ng nasabing batas:
“SECTION 26. Rights and Privileges. – The cancer patients persons living with cancer and cancer survivors are accorded the same rights and privileges as PWDs and the DSWD shall ensure that their social welfare and benefits provided under Republic Act No. 7277, as amended, are granted to them. Further, the DOLE shall adopt programs which promote work and employment opportunities for able persons with cancer and cancer survivors.”
Upang sagutin ang iyong katanungan, ang iyong ina na may sakit na cancer ay binibigyan ng batas ng mga karapatan at pribilehiyo katulad ng mga PWDs. Kasali rito ang diskwento sa gamot, pagpapagamot, at gastusin para sa mga pangunahing bilihin alinsunod sa Republic Act (R.A.) No. 7277, o mas kilala sa tawag na “Magna Carta for Persons with Disability”, na inamyendahan ng Republic Act (R.A.) No. 10754.
Dagdag pa rito, inaatasan din ng ating batas ang Department of Social Welfare and Development o DSWD na tiyakin ang kapakanang panlipunan ng mga pasyenteng may cancer at siguruhin na ang mga benepisyong nakasaad sa Republic Act (R.A.) No. 7277 ay matatanggap nila. Ang Department of Labor and Employment o DOLE naman ay inaatasan na gumawa ng mga programa na magtataguyod ng trabaho at mga oportunidad para sa mga taong may cancer o dating may cancer na mayroong kakayahang magtrabaho.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Opmerkingen