ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | September 05, 2021
Nakaaalarma ang pagtanggal ng cancer fund line item sa budget na isinumite ng Department of Health (DOH) para sa susunod na taon.
Sa halip na line item, inilagay ng DOH ang National Integrated Cancer Control Program (kabilang ang cancer medicine para sa mga bata) at ang Cancer Assistance Fund sa ilalim ng pondo para sa non-communicable diseases na aabot sa P1.3 bilyon.
Dahil nakabulto lang lahat sa NCD budget, walang linaw kung magkano ang nakalaan para sa cancer fund at ang pangamba natin ay baka paglaruan lang ang budget na ito.
☻☻☻
Maging ang Cancer Coalition Philippines ay umalma na din sa desisyong ito ng DOH at naglabas na ng position paper na nagsasabing hindi ito ang ipinangako ng National Integrated Cancer Control Act (NICCA).
Ayon World Health Organization’s Global Cancer Observatory, mahigit sa 153,000 bagong kaso ng kanser ang naitala sa bansa noong 2020. Ito rin ang naging ikalawang leading cause of death para sa mga Pilipino matapos magtala ng 62, 300 na namatay noong nakaraang taon.
Kaya naman, hindi katanggap-tanggap na tila isinasawalang-bahala ng DOH ang pagbibigay-suporta sa ating mga cancer patients.
Makaaasa kayong itutuwid natin ang maling hakbang ng DOH sa pamamagitan ng paghahain ng amendments sa simula ng deliberasyon ng Senado sa Pambansang Badyet para sa 2022.
☻☻☻
Ngayong araw ang simula ng ating pagdiriwang ng National Teachers’ Month at nais lamang nating magbigay-pugay at pasasalamat sa lahat ng mga guro na walang sawang nagsasakripisyo para linangin ang kaalaman ng mga kabataan sa gitna ng mga hamong hatid ng pandemya.
Happy National Teachers’ Month sa lahat ng Gurong Pilipino!
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments