ni Anthony E. Servinio @Sports | Dec. 15, 2024
Photo: NBL PILIPINAS Camsur Express vs. Taguig Generals
Itinakas ng Cam Sur Express ang 93-92 panalo kontra bisita at defending champion Taguig Generals sa Game 3 ng 2024 National Basketball League (NBL-Pilipinas) President’s Cup Finals Biyernes sa Fuerte Cam Sur Sports Complex sa Pili.
Naiwasang mawalis ang Express sa seryeng best-of-five at ipinilit ang Game 4 na ginanap Sabado sa parehong palaruan. Inaksaya ng Cam Sur ang 66-46 lamang sa pangatlong quarter.
Humabol ang Generals sa likod nina Dan Anthony Natividad, Noel Santos at Lerry John Mayo na tinuldukan ng dalawang tres ni Christopher Azares, 86-89, at 1:14 sa huling quarter. Itinapon ng Express ang bola subalit nagmintis si Azares at nakuha ni Mayo ang bola para lalong lumapit, 88-89.
Nagpalitan ng shoot sina Jerome Almario at Mayo para ihanda ang nakakapanabik na pagtatapos. Walang puntos buong laro, ipinasok ni Jamba Garing ang dalawang pinakamahalagang free throw na may apat na segundong nalalabi, 93-90.
May huling pagkakataon ang Taguig pero nagmintis ng magpapatabla sanang tres si Mike Jefferson Sampurna at pinulot ni Mayo ang bola para sa huling puntos. Nanguna sa Express si Almario na may 24 kasama ang 7 sa huling quarter.
Sinuportahan siya nina Kyle Philip Domagtoy na may 20 at Verman Magpantay na may 14. Itinala ni Mayo ang 11 ng kanyang 22 sa huling quarter na may kasamang 19 rebound.
Nagtapos na may 18 si Sampurna subalit wala sa huling quarter. Naputol ang 14 magkasunod na tagumpay ng Taguig buhat pa noong Agosto at ito ang pinakaunang talo ng koponan sa NBL-Pilipinas Finals mula pa noong 2019.
Nagtagumpay ang Generals sa Game 1 at 2, 90-87 at 80-77 na parehong ginanap sa Duenas Gym sa Signal Village. Kung kailangan, babalik doon para sa winner-take-all Game 5.
Comments