top of page
Search
BULGAR

Lagnat, pananakit ng kasu-kasuan, at Pott's Disease, dinanas ng 13-anyos na namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | November 25, 2022


Ang kakayahan ng isang tao habang bata pa lamang ay masasabing palatandaan kung ano ang kanyang maaaring maging kapalaran. Si Calvin Jhon Soriano, anak nina G. Nestor at Gng. Juvelyn Soriano ng Pasig City, ay malakas, aktibo, malusog at masiglang bata. Mahilig din siyang maglaro ng basketball.


Natural lamang sa mag-asawang Soriano na mangarap ng magandang kinabukasan para sa kanilang anak na si Calvin Jhon, na maaaring sa larangan ng sports. Sa kasamaang-palad, hindi na niya naipagpatuloy ang pagdribol ng bola at pagbuslo nito sa ring ng tagumpay sa basketball man o sa buhay.


Si Calvin Jhon, 13, namatay noong Mayo 30, 2019, ang ika-135 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Calvin Jhon ay naturukan ng Dengvaxia sa isang health center sa Pasig noong Oktubre 27, 2017. Noong Oktubre 30, 2017, nang una siyang makaranas ng lagnat na tumagal nang dalawang linggo. Sumakit din ang kanyang kasu-kasuan, ulo at tiyan. Parang may kumakalkal diumano sa kanyang tiyan. Nanghihina siya at palaging nagpapahilot dahil parang nilalamog diumano ang kanyang katawan. Pinainom siya ng paracetamol at ibuprofen, pero bumabalik din ang masasamang nararamdaman niya. Bagama’t bumuti ang kanyang kalagayan matapos ang dalawang linggong pagkakasakit, noong Disyembre 11, 2017, nagkalagnat siya ulit at tumagal din ito nang dalawang linggo. Parehong karamdaman ang kanyang naranasan gaya ng mga naranasan niya noong Oktubre hanggang Nobyembre 2017.


Pagdating ng 2018, nadagdagan ang kanyang mga nararamdaman:

  • Enero 26 - Nagkalagnat ulit siya. Dahil sa pangamba ng kanyang mga magulang sa mga pagbabago sa kanyang kalusugan, gayundin dahil sa mga balita tungkol sa mga batang nagkakasakit at pumanaw dahil nabakunahan ng Dengvaxia, dinala siya sa doktor at ipinasailalim sa Hematology para malaman ang kanyang platelet count. Base sa resulta, normal naman ito.

  • Marso, Hunyo at Setyembre - Pabalik-balik ang masasama at kakaibang nararamdaman niya gaya ng lagnat, pananakit ng ulo, tiyan at mga kasu-kasuan. Nagpatuloy ito noong Disyembre 2018.

  • Disyembre - Nagkaroon ng pagbabago sa kanyang ugali. Siya ay naging bugnutin at nananakit dahil madali na siyang mapikon. Masakit din ang kanyang tagiliran. Sa pag-aakalang dahil lang ito sa pagba-basketball, hinihilot ng kanyang mga magulang ang kanyang katawan. Hindi na rin siya nakakatulog nang maayos dahil sa sakit ng katawan at sobrang panghihina. Dinala siya sa isang doktor na nagreseta sa kanya ng antibiotics. Ni-refer siya sa isang ospital sa Laguna para sa iba pang pagsusuri.


Pagdating ng 2019, lumala ang kanyang kondisyon at ito ay humantong sa maaga niyang pagpanaw:

  • Marso 20 - Dahil hindi bumubuti ang kanyang kalagayan, nag-follow-up check-up sila sa doktor na unang pinagdalhan sa kanya noong Disyembre 2018. Niresetahan siya ng mga gamot para sa pananakit ng kanyang katawan.

  • Marso 26 - Isinailaim siya sa spine x-ray. Ayon sa resulta, spasm ang kanyang nararanasan. Namamanhid ang ibabang bahagi ng kanyang katawan at siya ay nakukuba. Hirap na rin siyang matulog nang nakahilata.

  • Abril 1 at 5 - Habang nasa bakasyon si Calvin Jhon sa bahay ng ina ni G. Nestor na si Rosario Soriano sa Pasig, ibinalita sa kanila ni Karen Soriano (ate ni G. Nestor) ang masasamang nararamdaman ni Calvin Jhon. Nasa Laguna sina G. Nestor at Gng. Juvelyn dahil nandu’n ang kanilang hanapbuhay. Si Karen ang pangunahing tumitingin kay Calvin Jhon at ayon sa kanya, hindi maayos na nakakakain si Calvin Jhon, kaya bumagsak ang kanyang katawan. Hirap na rin siyang tumayo at hindi nakakalakad. Hindi rin siya nakakatulog nang maayos dahil sa pananakit ng kanyang katawan at mga binti. Dahil palala nang palala ang masasamang nararamdaman niya, isinugod siya ni Karen sa isang ospital sa Pasig noong Abril 5, 2019. Base sa resulta ng x-ray, posibleng may TB siya sa buto.

  • Abril 6 - Dahil hindi nawawala ang pananakit ng kanyang likod at tagiliran, in-admit siya sa nasabing ospital. May bukol din siya sa ulo at ito ay kumalat sa mga sumunod na araw. Namamanhid ang ibabang bahagi ng kanyang katawan.

  • Abril 16 - Isinailalim siya sa MRI at nakitang may Pott’s disease siya. Inirekomenda ng doktor na isailalim siya sa biopsy.

  • Mayo 5 - Dahil kailangan siyang i-biopsy, inilipat siya ng ospital. Inulit ang pagsusuri sa kanya at kinumpirma ng doktor na may Pott’s disease siya.

  • Mayo 16 - Dahil hindi malaman kung bakit mabilis ang pagkalat ng nana sa katawan niya, isinailalim siya sa HIV test. Base sa resulta, negatibo naman siya sa HIV, gayunman, siya ay humina nang humina at nagpatuloy ang pananakit ng kanyang katawan.

  • Mayo 30 - May nakitang tubig sa kanyang baga. Siya ay in-intubate dahil siya ay hirap huminga. Tinanggal din ang tubig na namuo sa kanyang baga. Pagsapit ng alas-11:00 ng umaga, nag-agaw-buhay na si Calvin Jhon. Siya ay sinubukang i-revive ng doktor, subalit pagsapit ng alas-12:00 ng tanghali, tuluyan siyang pumanaw.


Sabi ng kanyang mga magulang, “Napakasakit para sa amin ng pagpanaw ni Calvin Jhon. Hindi namin akalain na babawian siya ng buhay nang napakabata.


“Kailanman ay hindi pa siya nagkasakit nang malubha at kinailangang maospital, maliban lamang nitong kamakailan kung saan siya ay labis na nagkasakit na naging sanhi ng kanyang pagpanaw. Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia sa aming anak at iba pang mga bata. Kung hindi nabakunahan si Calvin Jhon ay buhay pa sana siya ngayon, kaya kinakailangang may managot sa naging kapabayaan ng mga taong nagbakuna sa aming anak.”


Patuloy na naninindigan ang mga magulang ni Calvin Jhon sa pakikipaglaban para sa hustisya sa sinapit niyang trahedya. Sa napakabata niyang edad, siya ay nagdusa nang sobra at umabot pa sa puntong isinailalim siya sa HIV test dahil hindi matukoy ang dahilan ng paglubha nito. Ang hustisyang inaasam ng pamilya ay sadyang mailap pa ngayon, subalit darating ang araw na mapagtatagumpayan din nila ang katarungang minimithi sa tulong ng Poong Maykapal.


Kami sa PAO at PAO Forensic Laboratory na nilapitan ng mag-asawang Nestor at Juvelyn Soriano ay kasama nila sa labang ito hanggang sa tagumpay para kay Calvin Jhon, ang may potensyal sanang atleta ng bayan.

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page