top of page
Search
BULGAR

Caloocan at Cavite, patuloy na walang suplay ng tubig – Maynilad

ni Lolet Abania | March 14, 2022



Patuloy na makararanas ang mga kostumer ng Maynilad Water Services Inc. ng water service interruption dahil sa mabilis na pagkonsumo ng tubig at tinatawag na high turbidity level ng suplay nito.


Sa interview ngayong Lunes kay Maynilad spokesperson Jennifer Rufo, sinabi nitong apektado ang mga residente sa Caloocan sa bahagi ng norte hanggang Cavite sa bahagi ng south, mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-6:00 ng umaga.


“Yes po. Tuloy-tuloy po siya. Bale pinipilit po nating gawing off-peak lang po ‘yung interruptions para bigyan po tayo ng pagkakataon na punuin ‘yung ating mga reservoir in time for peak demand the following day,” paliwanag ni Rufo.


Ayon kay Rufo, tumataas ang kinokonsumong tubig ngayon dahil sa mainit na panahon, habang ang tubig sa reservoirs ay mas madaling maubos kaysa karaniwan.


Aniya pa, sa southern part gaya ng Muntinlupa, ang suplay ng tubig mula sa Laguna Lake ay limitado na rin dahil sa spikes naman ng turbidity.


Gayunman, sinabi ni Rufo na nagsasagawa na ang Maynilad ng mga treatment facilities at naglalagay na rin ng mga deep wells para makadagdag ng suplay ng tubig sa kanilang mga kostumer.


Nitong Sabado, nag-anunsiyo ang Maynilad ng water service interruptions ng hanggang Marso 16, kung saan ayon kay Rufo, posibleng ma-extend pa ito.


Ang Maynilad ay nagseserbisyo sa mga kostumer na nasa mga lungsod ng Caloocan, Las Piñas, Makati, Malabon, Manila, Muntinlupa, Navotas, Parañaque, Pasay, Quezon, Valenzuela.


Gayundin, sa ilang lugar sa Cavite gaya ng mga lungsod ng Bacoor, Cavite, at Imus, at sa mga bayan ng Kawit, Noveleta at Rosario.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page