ni Lolet Abania | June 29, 2022
Uupo si Solicitor General Jose Calida bilang chairperson ng Commission on Audit (COA) sa ilalim ng administrasyon ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.
Ito ang inanunsiyo ngayong Miyerkules ni incoming Press Secretary Atty. Trixie Cruz-Angeles.
Matatandaan na si Calida ay na-appoint ni outgoing President Rodrigo Duterte bilang solicitor general noong 2016.
Nagsilbi rin siya bilang undersecretary ng Department of Justice (DOJ) mula 2001 hanggang 2004.
Sa panunungkulan sa ahensiya ni Calida, siya ang in-charge sa National Bureau of Investigation (NBI), Witness Protection, Security and Benefits Program, Office of the Government Corporate Counsel, DOJ National Task Force on Terrorism and
Internal Security, at DOJ Task Force on Financial Fraud and Money Laundering.
Nabigyan din si Calida ng posisyon na executive director ng Dangerous Drugs Board, kung saan kanyang na-conceptualize ang “Barkada Kontra Droga,” ang drug prevention project ng ahensiya.
Ayon sa COA, isa siya sa mga top earners sa gobyerno noong 2021, na nasa rank 12th na umabot ang kanyang income sa P16.59 million.
Sinabi rin Cruz-Angeles na si Jose Arnulfo “Wick” Veloso ang itatalagang presidente ng Government Service Insurance System (GSIS).
Si Veloso ay kasalukuyang pangulo ng Philippine National Bank (PNB).
Unang nagsilbi si Veloso bilang chief executive officer ng HSBC Philippines. Ang malawak na karanasan ni Veloso sa banking at capital markets ay umabot ng mahigit sa 30 taon, kung saan 23 taon siyang tumagal sa HSBC.
Comments