@Buti na lang may SSS | November 20, 2022
Dear SSS,
Magandang araw! Nais ko sanang malaman kung mayroon bang calamity loan ang SSS para sa mga naapektuhan ng Bagyong ‘Paeng’ noong Oktubre. Paano ba mag-apply? - Antonio ng Culasi, Antique
Sagot
Mabuting araw sa iyo, Antonio!
Tunay na maaasahan ng ating mga miyembro at pensyonado ang tulong ng SSS sa panahon ng mga kalamidad dulot ng malalakas na mga bagyo na naranasan sa ating bansa. Simula noong Huwebes, Nobyembre 17, 2022, binuksan ng SSS ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa lubhang naapektuhan ng Severe Tropical Storm ‘Paeng.’
Ang CAP ay magbibigay ng tulong-pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa mga apektadong lugar na idineklara ng National Disaster and Risk Reduction Management Council (NDRRMC) sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon, Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Sorsogon, Catanduanes, Masbate, Aklan, Antique, Capiz, Guimaras, Iloilo, Negros Occidental, Basilan, Lanao del Sur, Tawi-Tawi, Sulu, Maguidanao del Norte at Maguindanao del Sur.
Kasama rin dito ang Cagayan, lalo na sa bayan ng Amulung, Enrile at Tuguegarao. Sa Marinduque, ito ay ang mga bayan ng Mogpog, Santa Cruz at Buenavista, at sa Cotabato ay ang bayan ng Pigcawayan, Libungan at Midsayap.
Dagdag pa rito ang Muntinlupa City, Calbayog sa Samar, Sirawai sa Zamboanga del Norte at Zamboanga City sa Zamboanga del Sur.
Ang CAP ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa miyembro at ang Three-month advance pension para sa lahat ng SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners.
Talakayin muna natin ang hinggil sa calamity loan. Kinakailangan lamang na matugunan ang sumusunod na kondisyon:
Mayroong My.SSS account;
Nakapaghulog ng hindi bababa sa 36-buwanang kontribusyon, kung saan ang anim na hulog ay naibayad sa huling 12-buwan bago ang buwan ng pagpa-file ng aplikasyon;
Mayroong anim na posted na monthly contributions sa ilalim ng kasalukuyang membership type bago ang buwan ng pagpa-file ng aplikasyon;
Naninirahan ka sa lugar o bayan na kabilang sa nabanggit sa itaas na lubhang naapektuhan ng Bagyong ‘Paeng’;
Hindi pa nabibigyan ng final benefit tulad ng permanent total disability o retirement benefit; at
Walang outstanding na utang sa ilalim ng Loan Restructuring Program (LRP) o sa mga naunang CLAP.
Ang filing ng aplikasyon sa CLAP ay sa pamamagitan ng online gamit ang My.SSS ng miyembro. Kung ikaw naman ay isang empleyado ng kumpanya, dapat isertipika ng iyong employer ang iyong CLAP application gamit din ang My.SSS.
Bukas ang naturang program sa loob ng tatlong buwan hanggang Pebrero 16, 2023.
Makahihiram ka ng katumbas ng average ng iyong monthly salary credit (MSC) sa huling 12-buwan. Ang monthly salary credit naman ay ang batayan ng kabuuang kinikita ng miyembro sa loob ng isang buwan.
Halimbawa, kung ikaw ay kumikita ng P19,250 bawat buwan at naghuhulog ng P2,565 kada buwan bilang iyong SSS contribution, ang iyong MSC ay 19,500. Kung ikaw ay nag-file sa calamity loan ngayong Nobyembre 17, 2022, iko-compute ang average na MSC mo mula Nobyembre 2021 hanggang Oktubre 2022. Ipagpalagay natin na ang iyong MSC mula Nobyembre 2021 hanggang Marso 2022 ay nasa 18,500 at ang iyong MSC mula Abril 2022 hanggang Oktubre 2022 ay nasa 19,500 naman. Ang magiging average MSC mo ay 19,083.33. Ito rin ang magiging halaga ng calamity loan na maaari mong hiramin sa SSS.
Ang nasabing pautang ay maaaring bayaran ng installment s sa loob ng 24-buwan. Ang amortisasyon ay magsisimula sa ikalawang buwan mula sa petsa na naaprubahan ang iyong calamity loan. Halimbawa, nanghiram ka noong Nobyembre 17, 2022, ibig sabihin nito, ang iyong pagbabayad ay magsisimula sa Enero 2023. Samantala, ito ay may interest na 10% kada taon hanggang sa ito ay mabayaran, na kinukwenta sa lumiliit na balanse ng loan sa loob ng 24-buwan. Ang 1% service fee ay hindi na ibabawas sa loan maliban sa interes na pro-rated mula sa petsa ng pag-apruba ng utang hanggang sa katapusan ng buwan bago ang unang amortisasyon.
Ang crediting ng nasabing calamity loan ay sa pamamagitan ng account ng miyembro sa Unified Multi-Purpose Identification (UMID) – Automated Teller Machine (ATM) Card o account nito sa alinmang bangko na kabilang sa Philippine Electronic Fund Transfer System and Operations Network (PESONet) o kaya’y sa kanilang Union Bank of the Philippines (UBP) Quick Cards na nakarehistro sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) na matatagpuan sa My.SSS.
***
Bukas pa rin ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Super Typhoon ‘Karding.’ Tatanggap ang SSS ng aplikasyon para sa CAP hanggang Enero 6, 2023. Ito ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa lahat ng SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners.
Ang CAP ay magbibigay ng tulong-pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa lalawigan ng Nueva Ecija at sa mga bayan ng Dingalan sa Aurora, Macabebe sa Pampanga at San Miguel sa Bulacan.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Комментарии