top of page
Search
BULGAR

Calamity Loan para sa mga biktima ng habagat at bagyong Egay, puwede na

@Buti na lang may SSS | August 20, 2023


Dear SSS,

Magandang araw! Maaari bang mag-apply ng calamity loan ang mga kamag-anak ko sa Pampanga na apektado ng pagbaha dulot ng Bagyong Egay at Habagat? Paano ba mag-apply dito? Salamat. - Randy


Mabuting balita, Randy sapagkat binuksan na ng SSS nitong Agosto 15, 2023 ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Southwest Monsoon at Tropical Cyclone (TC) Egay batay sa inilabas na SSS Circular No. 2023-004 noong Agosto 11, 2023.


Bahagi ng CAP ay ang Calamity Loan Assistance Program (CLAP) na siyang tulong pinansyal na ibinibigay ng SSS sa mga apektadong miyembro nito. Samantala, para naman sa mga SSS at EC pensioners ay may three-month advance pension rin na maaari nilang pakinabangan. Ngunit, talakayin muna natin ang Calamity Loan para sa mga actively paying members.


Mahalaga lamang, Randy, na matiyak ng iyong mga kamag-anak na matutugunan nila ang mga kondisyon para maging kwalipikado rito. Unang-una ay dapat silang naninirahan sa mga lugar na declared under state of calamity ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na kinabibilangan ng mga sumusunod na lugar:

  • Mga lalawigan ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, Pampanga, Cagayan, Bataan, Cavite, Abra, at Mountian Province;

  • Mga bayan ng Luna at Bangar sa La Union, Mangatarem at Santa Barbara sa Pangasinan, Paombong at Pulilan sa Bulacan, Camiling sa Tarlac, at Sablayan sa Occidental Mindoro;

  • Lungsod ng Dagupan.


Dagdag pa rito, maaari ring mag-apply ang mga miyembro at pensyonado sa mga karagdagang mga lugar na idineklarang state of calamity ng NDRRMC na naapektuhan ng Habagat at Bagyong Egay.


Ikalawa, kinakailangan ding natutugunan nila ang mga sumusunod na kondisyon:

  • Mayroong My.SSS account sa www.sss.gov.ph;

  • Nakapaghulog ng hindi bababa sa 36 monthly contributions o katumbas ng 3 taon kung saan ang 6 na kontribusyon dito ay dapat posted na sa loob ng huling 12 buwan bago ang buwan ng filing ng aplikasyon;

  • Mayroong hindi bababa sa 6 na posted monthly contributions sa kasalukuyang coverage o membership type bago ang buwan ng filing ng kanyang loan application;

  • Kasalukuyang employed, self-employed, voluntary kabilang na ang non-working spouses, o land-based Overseas Filipino Workers members;

  • Kung ikaw ay employed, kinakailangang i-certify ng iyong employer ang CLAP application sa pamamagitan ng My.SSS account nito;

  • Residente ng NDRRMC-declared calamity area namay pag-aari sa nabanggit na mga lugar;

  • Hindi pa nabibigyan ng anumang final benefit gaya ng permanent total disability o retirement;

  • Walang outstanding loan sa Loan Restructuring Program at nakaraang CLAP.


Kung natugunan nila ang lahat ng qualify conditions, maaari silang magsumite ng aplikasyon sa pamamagitan ng kanilang online account sa My.SSS Portal. Kung sila naman ay empleyado ng kumpanya, dapat isertipika ng kanilang employer ang kanilang CLAP application gamit din ang My.SSS account ng kanilang employer.


Tatanggap ng aplikasyon para sa CLAP hanggang Nobyembre 14, 2023.


Randy, makakahiram ang iyong mga kamag-anak ng katumbas ng average ng kanilang monthly salary credit (MSC) sa huling 12 buwan. Ang monthly salary credit naman ay ang batayan ng kabuuang kinikita ng miyembro sa loob ng isang buwan.


Halimbawa, kung sila ay kumikita ng P19,250.00 bawat buwan at naghuhulog ng P2,730.00 kada buwan bilang kanilang SSS contribution, ang kanilang MSC ay 19,500.00.


Kung sila ay nag-file sa calamity loan ngayong Agosto 20, 2023, iko-compute ang average na MSC nila mula Agosto 2022 hanggang Hulyo 2023. Ipagpalagay natin na ang kanilang MSC mula Agosto hanggang Disyembre 2022 ay nasa 18,000 at ang kanilang MSC mula Enero hanggang Hulyo 2023 ay nasa 19,500 naman. Ang magiging average MSC nila ay 18,875.00 kaya ang magiging halaga na kanilang matatanggap para sa kanilang calamity loan ay P18,000.


Ang nasabing loan ay maaari nilang bayaran ng installment sa loob ng 24 buwan o katumbas ng 2 taon. Ang amortisasyon ay magsisimula sa ikalawang buwan mula sa petsa na naaprubahan ang kanilang calamity loan. Halimbawa, nanghiram ka ngayong Agosto 20, 2023, ibig sabihin nito ang kanilang pagbabayad ay magsisimula sa Oktubre 2023.


Samantala, ang CLAP ay may interes na 10% kada taon hanggang sa ito ay mabayaran nang buo, na kinukwenta batay sa lumiliit na balanse ng loan sa loob ng 24 buwan. Hindi na rin ibabawas ng SSS ang 1% na service fee.


Ang crediting ng nasabing calamity loan ay sa pamamagitan ng account ng miyembro sa Unified Multi-Purpose Identification (UMID) - Automated Teller Machine (ATM) Card, o account nito sa alinmang bangko na kabilang sa Philippine Electronic Fund Transfer System and Operations Network (PESONet), o kaya’y sa kanilang Union Bank of the Philippines (UBP) Quick Cards na nakarehistro sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) na matatagpuan sa My.SSS.


Sa susunod na linggo naman ay ating tatalakayin ang three-month advance pension para sa ating mga pensyonado.


***


Paalala: Hanggang Setyembre 21, 2023 na lamang ang pagtanggap ng SSS ng aplikasyon para sa Calamity Assistance Package (CAP) na inilunsad nito para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng kasalukuyang volcanic activity ng Bulkang Mayon sa Bicol Region na nagsimula noong Hunyo 5, 2023. Ito ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa lahat ng SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners.


Ang CAP ay nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa lalawigan ng Albay na nasa ilalim ng state of calamity bunga ng pag-aalburoto ng nasabing bulkan. Kasama rito ang mga bayan ng Bacacay, Camalig, Daraga (Locsin), Guinobatan, Jovellar, Libon, Ligao, Malilipot, Malinao, Manito, Oas, Pio Duran (Malacbalac), Polangui, Rapu-Rapu, Sto. Domingo, Tabaco at Tiwi, at ang lungsod ng Legazpi.


***


Patuloy pa ring tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.


Sakop ng ConsoLoan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.


Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o 5 taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.


 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Recent Posts

See All

댓글


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page