top of page
Search
BULGAR

Calamity loan para sa mga biktima ng Bagyong Odette, hanggang Abril 13, 2022

@Buti na lang may SSS | April 3, 2022


Dear SSS,


Magandang araw po! Nais ko sanang malaman kung hanggang kailan maaaring mag-apply sa calamity loan para sa mga naapektuhan ng Bagyong Odette. Paano ba mag-apply dito? Salamat po. — Carlito ng Liloan, Southern Leyte


SAGOT:


Mabuting araw sa 'yo, Carlito!


Nais naming ipaalam sa 'yo na hanggang Abril 13, 2022 na lamang ang pagtanggap ng aplikasyon para sa Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa mga miyembrong naapektuhan ng Bagyong Odette noong nakaraang taon.


Ang CLAP ay kabilang sa Calamity Assistance Package (CAP) na binuksan ng ahensiya upang tulungan ang ating mga miyembro na nasalanta ng mga kalamidad tulad ng Bagyong Odette. Kabilang din dito ang Direct House Repair and Improvement Loan para sa mga miyembro, at ang Three-month advance pension para sa mga SSS at EC pensioners.


Sa ilalim ng kasalukuyang CLAP, ang mga miyembro na naapektuhan ng nasabing bagyo sa MIMAROPA, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, at CARAGA at sa iba pang lugar na maaaring ideklara ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nasa ilalim ng state of calamity dulot ng nasabing bagyo ang kasali rito.


Upang mag-qualify ka, Carlito, kinakailangan lamang na matugunan mo ang mga sumusunod na kondisyon:


• Ikaw ay nakapaghulog ng hindi bababa sa 36 buwanang kontribusyon, kung saan ang anim (6) na hulog ay naibayad sa huling 12 buwan bago ang buwan ng pagpa-file ng aplikasyon;

• Naninirahan ka sa lugar na kabilang sa idineklara ng NDRRMC na nasa ilalim ng state of calamity;

• Mayroong My.SSS account;

• Hindi pa nabibigyan ng final benefit tulad ng permanent total disability o retirement benefit;

• Walang outstanding na utang sa ilalim ng Loan Restructuring Program (LRP) o sa mga naunang CLAP; at

• Nakarehistro ang UMID-ATM card, bank account na nasa bangkong kabilang sa Philippine Electronic Fund Transfer System and Operations Network (PESONet) o Union Bank of the Philippines (UBP) Quick Card sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) na matatagpuan sa My.SSS.


Ang filing ng aplikasyon sa CLAP ay online gamit ang My.SSS ng miyembro. Kung ikaw naman ay isang empleyado ng kumpanya, dapat isertipika ng iyong employer ang iyong CLAP application gamit din ang My.SSS.


Makakahiram ka ng katumbas ng average ng iyong monthly salary credit (MSC) sa huling 12 buwan na hindi hihigit sa P20,000 o ang halaga na iyong nilagay sa iyong aplikasyon, kung alinman ang mas mababa rito. Ang monthly salary credit naman ay ang batayan ng kabuuang kinikita ng miyembro sa loob ng isang buwan.


Ang nasabing pautang ay maaari mong bayaran nang installment sa loob ng 24 buwan.

Ang amortisasyon ay magsisimula sa ikalawang buwan mula sa petsa na naaprubahan ang iyong calamity loan. Halimbawa, nanghiram ka noong Enero 31, 2022, ibig sabihin nito ang iyong pagbabayad ay magsisimula sa Marso 2022. Samantala, ito ay may interes na 10% kada taon hanggang sa ito ay mabayaran, na kinukuwenta sa lumiliit na balanse ng loan sa loob ng 24 buwan. Ang 1% na service fee ay hindi na ibabawas sa loan maliban sa interes na pro-rated mula sa petsa ng pag-apruba ng utang hanggang sa katapusan ng buwan bago ang unang amortisasyon.


Ang crediting ng nasabing calamity loan ay sa pamamagitan ng account ng miyembro sa Unified Multi-Purpose Identification (UMID) – Automated Teller Machine (ATM) Card, o account nito sa alinmang bangko kabilang sa Philippine Electronic Fund Transfer System and Operations Network (PESONet), o di kaya’y sa kanilang Union Bank of the Philippines (UBP) Quick Cards na nakarehistro sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) na matatagpuan sa My.SSS.


◘◘◘


Nais naming ipaalam sa ating mga miyembro na pinalawig ang application period ng Short-Term Member Loan Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 5 hanggang May 14, 2022. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro ang mga naipong multa o penalties sa hindi niya nabayarang utang sa SSS gaya ng Salary loan, Calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), Emergency loan at restructured loans sa ilalim ng Loan Restructuring Program (LRP) na ipinatupad noong 2016 hanggang 2019.


Bukod dito, pinalawig din ang application period para sa Housing Loan Restructuring and Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 4. Tatanggap ang SSS ng aplikasyon para dito hanggang Mayo 21, 2022. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro o mga tagapagmana nito ang mga naipong multa o penalties sa hindi nabayarang housing loan. Maaari silang mag-file ng aplikasyon sa SSS Housing and Acquired Asset Management Department na nasa SSS Main Office sa Quezon City at sa Housing and Acquired Asset Management Section ng piling sangay ng SSS sa labas ng Metro Manila.


 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page