top of page
Search
  • BULGAR

Calamity assistance para sa mga nasalanta ng mga bagyong Quinta, Rolly at Ulysses

@Buti na lang may SSS | November 29, 2020


Dear SSS,


Nais ko sanang malaman ang mga kondisyon tungkol sa calamity loan para sa mga naapektuhan ng Bagyong Ulysses. At paano mag-apply para dito? – Shawn


Sagot


Simula noong Biyernes, Nobyembre 27, binuksan ng SSS ang Calamity Assistance Package (CAP) upang mabigyan ng tulong-pinansiyal ang mga miyembro at pensiyunado na lubhang naapektuhan ng mga nagdaang Bagyong Quinta, Rolly at Ulysses.

Kabilang sa CAP ay ang pagbibigay ng calamity loan para sa mga miyembro na nasalanta ng magkakasunod na bagyong tumama sa ating bansa.


Maaari kang mag-aplay ng calamity loan kung ikaw ay naninirahan o may ari-arian sa mga lugar na idineklara ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nasa ilalim ng state of calamity. Base sa Proclamation No. 1051, na nilagdaan noong nakaraang Nobyembre 18, ito ay ang buong Luzon Island Group.


Dapat ikaw ay nakapaghulog na ng hindi bababa sa 36 buwanang kontribusyon, kung saan ang anim (6) na hulog ay naibayad sa huling 12 buwan bago ang buwan ng pagpa-file ng aplikasyon.


Kailangan din na ikaw ay nakarehistro na sa My.SSS na matatagpuan sa aming website (www.sss.gov.ph) sapagkat online application lamang ang tatanggapin para sa calamity loan. Hindi tatanggap ang SSS ng walk-in application para sa CLAP. Bukod dito, hindi ka dapat nakatanggap ng anumang final benefit claim sa SSS gaya ng total disability at retirement benefits. Tiyakin mo rin na wala kang outstanding balance o nalalabing utang sa ilalim ng Loan Restructuring Program o sa alinmang naunang CLAP.


Hindi na kuwalipikado sa calamity loan na ito ang mga miyembro na nakatanggap na ng calamity loan para sa mga naapektuhan ng COVID-19 pandemic sa mga nakalipas na buwan. Subalit, maaari naman silang magfile ng aplikasyon para sa salary loan.


At kung ikaw ay namamasukan, dapat isertipika ng iyong employer ang iyong CLAP application gamit din ang My.SSS. Tatanggap ng aplikasyon para sa calamity loan ang SSS hanggang Pebrero 26, 2021.


Makahihiram ang miyembro ng katumbas ng average ng kanyang monthly salary credit sa huling 12 buwan na hindi hihigit sa P20, 000 o ang halaga na nilagay niya sa aplikasyon, kung ano ang mas mababa rito. Ang monthly salary credit ay ang batayan ng kabuuang kinikita ng miyembro sa loob ng isang buwan na aabot sa P20,000. Ang calamity loan ay hiwalay na pautang sa regular na salary loan kung kaya’t ang mga miyembro na may natitirang utang sa salary loan ay maaari pa ring mag-aplay nito. Hindi ikakaltas sa iyong calamity loan ang nalalabing balanse mo sa salary loan.


Ang nasabing pautang ay maaari mong bayaran ng installments sa loob ng 24 buwan. Ang amortisasyon ay magsisimula sa ikalawang buwan mula sa petsa na naaprubahan ang iyong calamity loan. Ito rin ay may interes na 10% kada taon hanggang sa ito ay mabayaran, na kinukwenta sa lumiliit na balanse ng loan sa loob ng 24 buwan. Para sa pautang na ito, walang 1% na service fee ang ibabawas sa loan maliban sa interes na pro-rated mula sa petsa ng pag-apruba ng utang hanggang sa katapusan ng buwan bago ang unang amortisasyon.

◘◘◘


Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


◘◘◘


Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page