top of page
Search
BULGAR

Cable cars sa Antipolo , tourist attraction na, kontra trapik pa

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | May 9, 2023


Dahil may kataasan ang siyudad ng Antipolo, hindi imposible na lagyan ito ng cable car pababa ng Metro Manila na isang malaking solusyon kung maisasakatuparan para maibsan ang labis na pagsisikip ng daloy ng trapiko sa naturang lugar.


Ang Antipolo ay isa mga sa paboritong pasyalan ng ating mga ‘kagulong’ na nagsasama-sama tuwing Linggo at sabay-sabay na binabaybay ang kahabaan ng Marcos at Sumulong Highway para lamang magsimba o magpahangin sa over-looking, ngunit iniinda na ang pagsisikip ng daloy ng trapiko.


Sa paglipas ng panahon ay halos napuno ng mga bahay ang naglalakihang subdibisyon sa Antipolo na karaniwan sa mga naninirahan ay mga nagtatrabaho sa Metro Manila at ito ang napakalaking dahilan kung bakit palaging siksikan ang mga sasakyan sa kahabaan ng Marcos Highway.


Tila hindi na mailalayo ang Marcos Highway sa kahabaan ng EDSA na bagama’t may nagpapabalik-balik na Metro Rail Train (MRT) ay maihahalintulad sa isang napakalawak na parking area araw-araw ang sitwasyon.


Kung may mga dapat lagyan sa panahong ito ng mga skyways at iba pang karagdagang imprastruktura para gumaan ang daloy ng trapiko—ito ang kahabaan ng Marcos Highway mula pagpasok pa lamang ng Marikina City hanggang sa pagpasok sa Antipolo.


Pero tila tuluyan nang nabuksan ang kaisipan ng pamahalaan ng Antipolo City dahil higit sa kung anumang karagdagang imprastruktura para gumaan ang problema sa daloy ng trapiko sa naturang siyudad ay naisip na rin nila ang matagal nang pangarap ng mga taga-Antipolo na cable car.


Tila nagising sa pagkakahimbing si Antipolo City Mayor Casimiro ‘Jun’ Ynares III na gawing makatotohanan ang paglalagay ng cable car matapos itong makipagpulong sa mga dayuhang consultants sa Department of Transportation (DOTr).


Maraming naggagandahang cable cars sa ibang bansa, tulad sa Hong Kong na kung magagaya lang natin ang kalidad at disenyo ay inaasahang magiging matagumpay itong proyekto kung transportasyon lamang ang pag-uusapan.


Malaking bagay ang isinumiteng pre-feasibility study phase at proposal sa pamahalaan ng Antipolo hinggil sa proyekto na may kinalaman sa pagtatayo ng cable cars at kung ano ang mabuting dulot nito sa mga nahihirapan ng pasahero.


Hindi pa man din nakukumpirma ang mga detalye hinggil sa planong pagtatayo ng cable cars ay napakarami nang natutuwa hinggil sa balitang ito dahil bukod sa pagluwag ng trapiko ay tiyak na magiging sentro ito ng atraksyon na magpapalakas pa sa turismo ng naturang siyudad.


Posible umanong itayo ang istasyon ng cable car sa Rizal Provincial Capitol at Antipolo City campus sa University of Rizal System kung saan ili-link din ito sa ilang istasyon ng MRT at LRT na babaybay sa itaas na bahagi ng Ortigas Avenue extension.


Kung may cable car, tiyak na ilang minuto lang ay nasa MRT-4 na ang pasahero mula Antipolo at tiyak na kahit malaking kabawasan ang mga sasakay sa cable car sa pagluluwag ng daloy ng trapiko, hindi lang sa Marcos Highway kundi maging sa Ortigas Avenue extension.


Sa ibang bansa, ang cable cars ay hindi na lang tourist attractions dahil noong 2004, naglagay ang Colombia ng cable cars para sa kanilang transportation system. Sa New York, Venezuela, Algeria, Bolivia, Vietnam ay ginawa na rin ito.


Isang napakalaking legasiya sa kasalukuyang pamahalaan kung magkakaroon ng katuparan ang napakatagal nang pangarap na ito ng mga taga-Antipolo City na hindi naman imposibleng maabot kung seryosong pagtutuunan ng pansin.


Sa ngayon ay malayo pa sa katotohanan ang proyektong ito, pero dahil napag-uusapan ay tila may kislap na sa dilim na isang araw ay mabibigyan ito ng pagkakataong matupad.


Ipagdasal natin!


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page