ni Chit Luna @News | Dec. 19, 2024
Isang tanyag na ekonomista ang nagmungkahi sa gobyerno ng Pilipinas na suriin ang antas ng buwis sa tabako kasunod ng pagbaba ng koleksyon at paglaganap ng puslit na sigarilyo sa merkado.
Ayon kay Dr. Arthur Laffer, dating miyembro ng Economic Policy Advisory Board ni Pangulong Ronald Reagan at chairman ng Laffer Associates, isang kilalang consulting firm sa Estados Unidos, kailangang ihanay ang tax rate sa tabako sa antas na magdudulot ng pinakamalaking kita sa gobyerno.
Ipinaliwanag ni Dr. Laffer na ang kita sa buwis ay tumataas kasabay ang pagakyat ng antas ng buwis hanggang sa maabot ang pinakamataas na kita.
Pagkatapos nito, ang anumang karagdagang pagtaas sa antas ng buwis ay nagreresulta sa pagbaba ng kita. Aniya, ang karagdagang pagtaas ng buwis na nagdudulot ng pagbaba ng kita ay hindi kailanman isang makatwirang solusyon.
Ayon sa datos, bumababa ang koleksyon ng excise tax ng tabako sa nakalipas na dalawang taon mula sa pinakamataas na P176 bilyon noong 2001 sa P160 bilyon noong 2022 at P135 bilyon noong 2023.
Sa parehong panahon, tumaas din ang insidente ng ipinagbabawal na kalakalan ng sigarilyo mula 13.6 porsiyento noong 2021 hanggang 15.2 porsiyento noong 2022. Noong 2023, naitala ito sa 19.6 porsiyento, ayon sa Euromonitor.
Iminungkahi ni Laffer na ang mataas na presyo dulot ng taunang pagtaas ng buwis sa sigarliyo ay nagtulak sa mga mamimili na tangkilikin ang murang ilegal na sigarilyo na hindi nagbabayad ng buwis.
Sinabi ni Dr. Laffer na bagama't ang Pilipinas ay nakagawa ng mahusay na pagbabago sa sistema ng pagbubuwis sa tabako mula sa isang komplikadong multi-tiered system tungo sa isang simpleng istraktura na may pare-parehong antas ng buwis para sa lahat ng sigarilyo, ang tobacco excise tax rate ay umabot na sa "prohibitive: range, at ito ay pinatunayan ng pagbaba ng kita ng gobyerno.
Ayon kay Dr. Laffer, ang mainam na sistema ng pagbubuwis ay isa sa nagtataas ng kinakailangang kita para sa pamahalaan.
Sa kaso ng excise tax sa tabako ng Pilipinas, ang mekanismo na nagresulta sa taunang pagtaas sa antas ng buwis ay nabigo na makamit ang inaasahang kita, sabi niya.
Si Dr. Laffer ang lumikha ng Laffer Curve na naglalarawan ng kaugnayan sa pagitan ng antas ng buwis at kita ng gobyerno. Ito ay nagsusulong sa isang sistema ng buwis na nagpapataas ng kinakailangang kita habang pinapaliit ang pinsala sa ekonomiya.
Napansin ni Dr. Laffer na sa Pilipinas, ang antas ng buwis sa tabako ay lumagpas na sa punto ng pag-maximize ng kita sa Laffer Curve, at anumang karagdagang pagtaas sa antas nito ay malamang na magreresulta sa pagbaba ng kita at paglaganap ng illicit trade.
Sinabi niya na ang paglaganap ng ipinagbabawal na kalakalan ay naiimpluwensyahan ng mataas na antas ng buwis kasabay ang pagtaas ng presyo ng produkto.
Dahil sa pagbaba ng kita sa buwis at paglaganap ng ipinagbabawal na kalakalan ng tabako sa Pilipinas, oras na para muling suriin ang pinakamainam na antas ng buwis sa sigarilyo, sabi ni Dr. Laffer.
Pinuri rin ni Dr. Laffer ang diskarte ng Pilipinas sa pagbubuwis ng mga makabagong produktong tabako at nikotina, ngunit hinimok niya ang pamahalaan na pasimplehin ang istraktura ng buwis nito sa e-cigarettes.
Hindi tulad ng iba pang produkto ng tabako at nikotina, ang e-cigarette ay binubuwisan sa ilalim ng dalawang antas na sistema sa Pilipinas, na humahantong sa problema sa pagpapatupad.
Ang pagpapa-simple sa pagbubuwis sa e-cigarette tulad ng ginawa para sa iba pang mga produktong tabako at nikotina ay dapat maging priyoridad ng pamahalaaan, aniya.
Comentários