top of page
Search
BULGAR

Buwis-buhay sa pagpaparehistro para makaboto, stop!

@Editorial | September 26, 2021



Sa nagpapatuloy na voters registration, tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na ginagawa ng mga awtoridad ang lahat para mapanatili ang kapayapaan, kaayusan at higit sa lahat, ang kaligtasan ng bawat isa.


Palaging nasusunod ang mga health protocols laban sa COVID-19 at iba pang sakit.


Ngayong ilang araw na lamang bago ang deadline para sa pagpaparehistro, na itinakda ng Commission on Elections (Comelec) sa Setyembre 30, inaasahang daragsa pa ang mga tao.


Kaya kailangan ng mas matinding pagbabantay na nasusunod ang physical distancing na posibleng maging dahilan ng super spreader event.


Mahalaga ang pagboto at siyempre, ganundin ang ating buhay, huwag natin hayaang malagay ito sa alanganin. Hindi dapat maging pabaya, palaging sumunod at huwag makalimot na nasa paligid lang ang virus.


Umaasa pa rin tayong hindi naman grabe ang pagdagsa ng mga tao sa mga huling araw ng pagpaparehistro. Palibhasa nasanay kasi ang iba sa last minute. Kung palagi tayong ganito, kahit gaano pa kahaba ang panahon na ilalaan sa anumang bagay, kahit pa mag-extend ay wala na talagang magbabago, palaging matatapos sa gulo.


Kung tumulad tayo sa iba na noon pa ay inasikaso na ang pagpaparehistro, eh, hindi hindi na kailangang makipagsapalaran sa mahabang pila o magbuwis-buhay para makaboto.


Ito sana ang isa sa mga ugali na dapat nating mabago. Kung may pagkakataong gawin o tapusin ang isang bagay ngayon, gawin na. Huwag nang ipagpabukas lalo na’t hindi naman natin masasabi kung ano ang hinaharap.

0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page