top of page
Search
BULGAR

Buwagin ang LTMS na pugad ng mga fixer

ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | October 6, 2022

Nabigyan tayo ng pagkakataong makapagsulat sa nangungunang tabloid sa bansa, ang BULGAR. Bilang abogado at Representative ng 1-RIDER Party List, nais kong gamitin ang espasyong ito sa pagtugon sa mga suliranin hindi lang ng mga kapwa ko rider at motorista, kung hindi maging sa ordinaryong pasahero.


Tatalakayin natin ang iba’t ibang kuwento, karanasan, batas, karapatan, reklamo, anomalya at modus-operandi upang hindi tayo maging biktima pa.


Kung wala tayong dinadaluhang sesyon sa Kongreso ay regular tayong naglilibot sa iba’t ibang bahagi ng bansa at lahat ng mga sumbong na ating masasalubong ay ipararating ko sa inyong lahat.


Sa iba pang mahilig sa motorsiklo na nais sumama sa ating grupo ay maaari kayong makipag-ugnayan para sa mga detalye upang madagdagan ang inyong kaalaman kung paano ang tamang pagmamaneho at hindi tayo matawag na ‘camote driver’.


Dahil sa sobrang hilig ko sa motorsiklo ay isa ako sa nasasaktan kapag may mga bumabatikos na maraming gumagamit ng motorsiklo ang wala umanong disiplina dahil sa kakulangan ng kaalaman.


Marami ang nagkaroon lang ng hulugang motorsiklo na dahil marunong lamang magbisikleta ay nagmaneho na agad kahit walang sapat na pagsasanay na isa sa mga puwede nating tugunan kung sakaling makikipag-ugnayan kayo sa amin.


Ngayon ay may kakampi na kayo sa pamamagitan ko bilang si MR. 1-RIDER at maging ang mga nagmamaneho ng motorsiklo at iba pang motorista na biktima ng pang-aabuso mula sa kamay ng mga traffic enforcers ay maaari ilapit sa inyong lingkod.


Sa ngayon ang isa sa una nating tatalakayin ay ang ginagawang pag-aaral ng Land Transportation Office (LTO) hinggil sa pagbuwag sa Land Transportation Management System (LTMS) dahil pinagpasapasahan lamang umano ito ng mga fixer sa pagre-renew ng driver’s license. Sa nakaraang pagdinig ng Senate committee on finance para sa panukalang P167.12 bilyong budget ng Department of Transportation (DOTr) ay ipinagtapat mismo ni LTO chief Teofilo Guadiz III, na 75 hanggang 80% ng mga kumukuha ng eksaminasyon sa ilalim ng LTMS ay hindi naman umano ang mga mismong nagre-renew ng kanilang lisensya.


Ibig sabihin, kung gaano katagal itong LTMS ay ganito na rin nagpapasasa ang mga fixer na karaniwang nakikita sa mga tanggapan ng LTO na kahit naglalakihan ang mga babala na ‘BAWAL ANG FIXER’ ay naglipana pa rin ang mga ito.


Kung susuriin ang kasalukuyang set-up ay walang facial recognition system ang LTMS para matukoy sana ng LTO kung ang aplikante ba talaga ang sumasailalim sa seminar at kumukuha ng eksaminasyon.


Ang nakalulungkot, alam na ng LTO na may mga fixer, alam na nilang walang kuwenta ang LTMS dahil ginagamit lang sa ilegal pero hanggang ngayon ay pinag-aaralan pa rin nila kung kailan aalisin.


Sana ay umaksyon na ang LTO para ayusin at linisin ang kanilang hanay dahil maraming mahihirap na motorista ang biktima at hindi lang sana puro plano o balak.


Habang hindi umaaksyon ang LTO na ayusin o palitan ang LTMS ay patuloy na magsisitaba sa kabusugan ang mga fixer habang maraming motorista ang nahihirapan.


Kunsabagay ay buo ang tiwala natin kay LTO chief Guadiz na dating Regional Director ng National Capital Region (NCR) at Region 1 na nagpamalas naman ng maayos na panunungkulan kaya malaki ang pag-asa na mabago ang bulok na sistema.


Alam nating ang bagong pamunuan ng LTO ay galit sa mga fixer, pero ang ibang empleyado nito (hindi naman lahat) ay ‘friend’ ang mga fixer, kaya nga sabay silang nag-iinuman pagkatapos ng opisina dahil habang nagkukuwentuhan ay nagkukuwentahan din.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa MR. 1-RIDER ni Atty. Rodge Gutierrez, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page