ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 6, 2022

Sumandal muli ang Miami Heat sa beteranong si Jimmy Butler upang maukit ang 119-103 panalo sa bisitang Philadelphia 76ers at umabante ng 2-0 sa kanilang seryeng best-of-seven sa pagpapatuloy ng 2022 NBA Playoffs Eastern Conference Semifinals, kahapon sa FTX Arena. Hindi nagpahuli ang Phoenix Suns sa Western Conference at lumamang din ng 2-0 sa Dallas Mavericks matapos ang 129-109 tagumpay.
Nakatikim ng maagang 11-6 lamang ang 76ers subalit naghigpit mula roon ang Heat at naagaw ang lamang sa pagwakas ng 1st quarter, 31-24, salamat sa magkasunod na buslo nina Dwayne Dedmon at bagong hirang na Sixth Man of the Year Tyler Herro. Hindi na ito binitiwan ng Miami at bumuhos sila ng 10 sunod-sunod na puntos upang maabot ang kanilang pinakamalaking lamang, 104-86, at 5:32 ang nalalabi.
Walang personalan at trabaho lang para kay Butler kontra sa dating koponan bago lumipat sa Heat noong 2019. Nagtapos si Butler na may 22 puntos at 12 assist upang tulungan si Bam Adebayo na may 23 puntos.
Sa gitna ng suliranin ng Philadelphia, tumanggap sila ng magandang balita na bumubuti ang kalagayan ni sentro Joel Embiid at maaari siyang bumalik sa Game 3 ngayong Sabado sa Wells Fargo Center. Nabasag ang buto sa mata ni Embiid sa serye kontra Toronto Raptors at daraan pa sa isa pang pagsusuri bago payagang maglaro.
Bumuhos ng 34 puntos si Tyrese Maxey at sinundan nina Tobias Harris na may 21 at James Harden na may 20 puntos upang subukang takpan ang pagkawala ni Embiid na numero-uno sa puntos sa NBA ngayong taon. Nabugbog din ang Philadelphia sa ilalim at sumungkit lang ng 34 rebound kumpara sa 44 ng Miami.
Umarangkada ang Suns sa 4th quarter at biglang nawalan ng hangin ang Mavs. Inaalagaan nila ang 89-83 na lamang subalit sabay-sabay uminit sa 3-points sina Devin Booker, Chris Paul, Cam Johnson at Ish Wainwright at lumobo ang agwat sa 122-95 at 3:49 ang nalalabi.
Comments