top of page
Search
BULGAR

Butas sa batas para sa solo parent, tutukan

by Info @Editorial | Jan. 4, 2025



Editorial

Ang pagiging isang solo parent ay isang malaking hamon sa buhay ng maraming pamilya sa ating bansa. Ayon sa datos, patuloy na dumarami ang bilang ng mga kababayan nating nagiging solo parent dahil sa iba’t ibang dahilan — namatayan ng asawa, hiwalay o isang magulang na naiwan sa pagpapalaki sa anak.


Sa kabila ng mga pagsubok na kanilang kinakaharap, may mga batas na naglalayong magbigay ng suporta at mga benepisyo sa mga solo parent, ngunit sa kasalukuyan, may mga hamon pa ring nararanasan sa pagkuha ng mga karapat-dapat nilang benepisyo. 


Ang Republic Act No. 8972 o ang “Solo Parents’ Welfare Act” ay nagbibigay ng mga pribilehiyo tulad ng allowance at discount, kabilang na ang mga benepisyong pangkalusugan, edukasyon at iba pang mga financial na tulong. Isa sa mga pinakamahalagang bahagi ng batas na ito ay ang pagkakaroon ng P1,000 monthly cash subsidy para sa mga kuwalipikadong solo parent at mga anak nito, pati na rin ang 20% discount sa mga bilihin at serbisyo. 


Gayunman, maraming solo parent ang nahihirapang makuha ang mga ito dahil sa kakulangan sa impormasyon, pagka-bureaucratic ng sistema at minsan ay ang hindi pag-implementa ng mga lokal na pamahalaan ng mga alituntunin. 


Isa sa mga pinakamahalagang hakbang na dapat isulong ng gobyerno ang mas malawak na pagsasakatuparan ng mga benepisyo sa ilalim ng batas. 


Ang local government units (LGUs) ay may malaking papel na ginagampanan dito.


Dapat tiyakin na ang mga solo parent ay may madaling access sa mga benepisyong ito, mula sa simpleng pagkuha ng mga discount card hanggang sa proseso ng aplikasyon ng mga cash subsidy. 


Sa huli, ang mga batas at benepisyo para sa mga solo parent ay hindi lamang simpleng mga patakaran. Ang mga ito ay simbolo ng ating pag-unawa at pagpapahalaga sa mga magulang na nagsisilbing matatag na haligi sa kabila ng kanilang mga sariling paghihirap. 




0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page