top of page
Search

Butas-butas na testimonya,'di oks gamiting ebidensiya

BULGAR

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | August 17, 2024

Ang kasong ibabahagi namin ay isa sa mga kasong hinawakan ng aming tanggapan, ang People of the Philippines vs. Jimmy Boy Suarez y Mendoza (CA-G.R. CR No. 47505, Mayo 10, 2024, na isinulat ni Kagalang-galang na Mahistrado ng Court of Appeals [3rd Division], Ronaldo Roberto B. Martin).


Ito ay patungkol sa hindi inaasahang pagpanaw ng biktima bunsod sa pamamaslang sa kanya. Sabay-sabay nating tunghayan ang naging balakid upang makamit ng namayapang biktima ang hustisya.


Si Jimmy ay naharap sa kasong Homicide na paglabag sa Artikulo 249 ng Revised Penal Code.


Batay sa paratang na inihain laban sa kanya, pinaslang diumano ni Jimmy ang biktima na nagngangalang Danilo sa pamamagitan ng pananaksak gamit ang kutsilyo.


Naganap ang insidente noong ika-9 ng Disyembre 2017, sa Santiago City, Isabela. Dahil sa malubhang sugat na natamo ng biktima, ito ang naging sanhi ng kanyang agarang pagpanaw.


Batay sa testimonya ni Police Officer (PO) Domingo, nakatanggap diumano siya ng sumbong ala-1:40 ng tanghali mula sa dalawang binata.


Mayroon umanong biktima ng pananaksak sa isang kalapit na bakanteng lote at ang dalawang suspek sa naturang pananaksak ay agad na tumalilis mula sa nasabing lugar.


Agad umanong ipinaalam ni PO Domingo kay PO Ng ang naturang sumbong at nagtungo agad sila sa nasabing lote. Doon ay natagpuan nila ang isang lalaki, na kalaunan ay kinilala na si Danilo na duguan ang damit at nakadapa sa nasabing bakanteng lote.


Nang dumating ang rescue, idineklara ng patay ang biktima. Nagsagawa ng follow-up investigation sina PO Domingo kung saan napag-alaman diumano nila na ang lalaking suspek ay lulumpu-lumpo, at ang kasama nito na babae ay nakita na papunta sa Purok Caloacan ng nasabing siyudad. Diumano, kalaunan ay positibo na kinilala ng 2 binata ang mga sumaksak sa biktima na sina Jimmy at ang kinakasama nitong si Esperanza.


Ayon pa sa testimonya ni PO Domingo, inamin umano sa kanya ni Esperanza ang naturang pananaksak. Hindi rin umano nanlaban si Jimmy nang ito ay arestuhin.

Dagdag pa rito, sinabi rin ni Esperanza na galing sila sa isang inuman kasama si Danilo, at nagkaroon umano ng alitan ang dalawa na nauwi sa pananaksak.


Sinabi rin sa kanya ng dalawang binata na nagsumbong na diumano’y buhay pa ang biktima at humihingi ng saklolo nang mapansin nila ang isang lalaki at babae na nagmamadaling umalis sa naturang lugar. Wala umanong nakuhang patalim si PO Domingo mula kay Esperanza, pero nakita niya umano na mayroong dugo sa paa nito na natatakpan ng tela.


Sa recross-examination kay PO Domingo, kinumpirma nito na hindi umano nakita ng dalawang binata na nagsumbong kung sino ang sumaksak sa biktima, bagkus nakita lamang umano nila ang dalawang tao na tumatakbo patungo sa Purok Calaocan.


Sa testimonya naman ni PO Ng, sinabi nito na ala-1:40 ng tanghali, noong ika-9 ng Disyembre 2017, nasa istasyon siya ng pulis nang matanggap ang tawag ukol sa natagpuang bangkay.


Nang marating nila ang lugar kung nasaan ang naturang bangkay, nakita niya ang katawan ng isang lalaki na nakahiga sa damuhan na mayroon saksak sa dibdib.


Agad umano siyang tumawag ng rescue at sunod na kinuhaan ng panayam ang dalawang binata na siyang naging susi para maaresto sina Jimmy at Esperanza.


Sa takot umano ni Esperanza na madawit sa krimen, inamin umano nito sa kanya na si Jimmy ang sumaksak sa biktima. Nilinaw pa umano ni PO Ng na sa simula ay 2 saksak ang nakita niya sa biktima at si Jimmy naman ay mayroong dugo sa shorts.


“Not guilty” ang naging pagsumamo ni Jimmy sa Regional Trial Court (RTC). Gayunman, siya ay nababaan ng hatol na “Guilty” para sa krimen na Homicide.


Naghain si Jimmy ng kanyang apela sa Court of Appeals (CA). Iginiit niya na hindi umano napatunayan ng higit sa makatwirang pagdududa ang mga elemento ng Homicide at ang kanyang pagkakakilanlan bilang salarin sa naturang pamamaslang. Iginiit ni Jimmy na hearsay ang testimonya nina PO Domingo at PO Ng dahil ito ay batay lamang sa mga pahayag ng dalawang binata na nagsumbong at ni Esperanza, na kapwa hindi inihain bilang testigo sa pagdinig sa hukuman.


Sa muling pag-aaral ng CA sa kaso ni Jimmy, mayroon umanong mga kapansin-pansing pagkukulang sa ebidensiya ng tagausig na siyang nagdulot ng makatwirang pagdududa sa isip ng naturang hukuman.


Unang ipinaalala ng appellate court ang mga sumusunod na elemento krimen na Homicide: (1) na mayroong taong napaslang; (2) na ang akusado ang pumaslang sa biktima nang walang makatwirang sirkumstansya o justifying circumstance; (3) na mayroong intensyon na pumatay ang akusado, na ipinagpapalagay batay sa kanyang mga ikinilos; at (4) na ang pamamaslang ay hindi nakitaan ng alinman sa mga qualifying circumstances ng krimen na murder, o ng parricide o infanticide.


Mahalaga umano na mapatunayan ang bawat elemento ng higit sa makatwirang pagdududa upang mahatulan ang taong inaakusahan.


Ipinaalala rin ng CA ang kahalagahan ng pagpapatunay ng corpus delicti o na ang krimen ay sadyang naganap. Ang corpus delicti ay binubuo umano ng dalawang elemento: una, ang partikular na resulta na napatunayan, at ikalawa, may partikular na tao na kriminal na responsable para sa isang akto.


Nilinaw ng CA na bagaman ang autopsy report ng medico legal expert ay karaniwang tinatanggap sa mga kaso ng pamamaslang upang patunayan ang tinamong sugat o pinsala ng biktima, hindi lamang umano ito ang nagsisilbing ebidensiya ng pinsala o pagpanaw ng biktima. Maaari din umanong mapatunayan ang mga ito sa pamamagitan ng testimonya ng mga mapagkakatiwalaang saksi.


Sa kaso na isinampa kay Jimmy, bagaman napatunayan umano ang unang elemento ng krimen, na namatay ang biktima na si Danilo, hindi umano napatunayan ang iba pang mga elemento ng Homicide.


Naging kapuna-puna sa CA na testimonya lamang nina PO Domingo at PO Ng ang inihain bilang ebidensiya ng panig ng tagausig sa hukuman. Ito ay sa kabila ng paulit-ulit na pagtukoy ng mga naturang saksi sa naging pahayag ni Esperanza na si Jimmy umano ang sumaksak sa biktima at mga pahayag ng dalawang binata na nagsumbong ukol sa sinapit ng biktima.


Napuna rin umano ng CA na hindi nakita ng mga naturang saksi na si Jimmy mismo ang sumaksak sa biktima.


Para sa appellate court, ang mga ito ay nagpapakita na wala umanong personal na kaalaman o personal knowledge ang mga naturang saksi ukol sa pamamaslang sa biktima pati na sa intensyon ng nasakdal na gawin ang krimen na ibinibintang laban sa kanya. Dahil umano sa mga hindi maisantabing butas na ito, maituturing bilang hearsay evidence diumano ang testimonya nina PO Domingo at PO Ng at hindi maaaring tanggapin bilang ebidensiya laban sa nasasakdal.


Maliban sa mga nabanggit na testimonya ng dalawang pulis, wala na umanong iba pang testigo o ebidensiya na inihain sa hukuman ng tagausig. Kung kaya’t marapat lamang na igawad diumano kay Jimmy ang pagpapawalang-sala.


Binigyang-diin ng CA, sa panulat ni Kagalang-galang na Mahistrado Martin ang sumusunod na mga legal na argumento:


“The cornerstone of all criminal prosecutions is the constitutional right of the accused to be presumed innocent until the contrary is proved. This places the burden upon the prosecution to prove the guilt of the accused on the strength of its own evidence, without regard to the weakness of the defense. It is up to the prosecution to prove beyond reasonable doubt that a crime has been committed and to establish the identity of the offender. Should the prosecution fail to discharge this burden, the accused need not even offer evidence.”


Ang desisyon ng CA na pagpapawalang-sala kay Jimmy ay naging final and executory noong Mayo 10, 2024.


Sapagkat hindi malinaw at tiyak na natukoy kung sino ang totoong pumaslang sa biktima na si Danilo, masasabing magpahanggang ngayon ay hindi pa natatamo ng kanyang kaluluwa ang inaasam na hustisya. Hindi naman kami nawawalan ng pag-asa na mayroong lulutang na susi na magbibigay linaw sa ginawang pagpaslang sa kanya.


Gayunman, nagbubunyi kami sa pagkapanalo sa kaso ng inakusahan na kliyente ng aming tanggapan, dalangin pa rin namin na makuha ni Danilo ang sa kanya’y karapat-dapat na katarungan. Nawa’y mayroon pang ibang paraan o pagkakataon na masisiwalat at matatanaw ang katotohanan sa likod ng kanyang hindi inaasahang pagpanaw.


Nawa’y ang katotohanang ito ang magsilbing tulay patungo sa katarungan at nang sa gayun ay matuldukan ang pagdaing ng biktima mula sa hukay at sa kabilang buhay.



Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page