ni Janiz Navida @Showbiz Special | Feb. 20, 2025
Photo: Jojo at Mark / Presscon via Bulgar
Nabitin ang entertainment press na ma-interview at mas makilala pa sana ang businessman-singer na si Jojo Mendrez na controversial ngayon matapos ngang pagpiyestahan sa social media ang nag-viral na photos nila ni Mark Herras habang magkasama sa isang hotel casino kamakailan.
Ang ganda pa naman sana ng opening ng album launching ng singer na binansagang “The Revival King” last Tuesday night sa Dapo Resto, QC dahil ipinakita sa media ang “rags to riches” life story niya na naikuwento niya sa isang old interview sa kanya ni Ms. Korina Sanchez.
Interesting and inspiring para sa amin kung paanong dati lang siyang inaapi-api nu'ng bata pa at pinalayas sa kanilang tinitirhan, pero ngayon ay isa nang successful businessman.
At dahil financially stable na nga naman si Jojo Mendrez, binigyan naman niya ng panahon na gawin ang isa pang love niya at ‘yun ay ang pagkanta.
Actually, nabanggit niya sa album launching ng kanyang latest single na Nandito Lang Ako after niyang mag-sign ng contract with Star Music (kasama niya sa photo si Jonathan Manalo) na kanyang record label na bukod sa trending revival song niyang Somewhere In My Past ni Julie Vega na may 45 million views na ngayon sa online platforms, nakapag-revive na rin siya ng isang APO Hiking Society song, Sana ni Florante at marami pang OPM hits.
Pero ang siste, habang kinakanta ni Jojo ang Nandito Lang Ako, biglang sumulpot sa venue si Mark Herras na may dalang bouquet of flowers at bumeso-beso pa sa Revival King, though umalis din naman agad after niyang umagaw ng eksena.
After kumanta ni Jojo Mendrez, nagpasabi ang staff niya na pasensiya na at sumama raw ang pakiramdam ng businessman-singer kaya pinutol na ang preskon at ‘di na siya na-one-on-one ng press.
Although sa Q&A, natanong na rin naman namin si Jojo tungkol nga sa isyu nila ni Mark at kung na-feel ba niyang may “Somewhere in My Past” sila kaya ito ang napili niyang isama sa music video ng song.
“No comment” ang bungad niya sa amin at ayaw na raw niyang sagutin ito dahil kahit naman daw sabihin niyang wala silang something ni Mark at friends lang sila, mas paniniwalaan pa rin ng mga tao ang gusto nilang paniwalaan.
Although, aminado siyang na-hurt at na-stress nang kumalat ang picture nila dahil ang dami raw niyang natanggap na nagtatanong tungkol sa kanila ng aktor at kahit nga raw ang pamilya niya ay apektado na rin sa issue.
Sa ngayon, mas gusto raw niyang mag-focus sa kanyang singing career at mag-revive pa ng mas maraming kanta dahil passion din niya ang singing.
Jinkee, may ‘K’ daw idispley ang yaman…
PACQUIAO: PINAGHIRAPAN NAMAN NAMIN ANG PERA NAMIN
AMINADO ang nagbabalik na senador na si Pambansang Kamao Manny Pacquiao na under ng Bagong Alyansa na siya ang kumumbinse sa kanyang misis na si Jinkee Pacquiao na maging first nominee ng isang partylist para may pagkaabalahan naman ito.
Habang si Manny, inaming marami pa siyang gustong gawin bilang senador at mas marami pang matulungang kababayan kaya tumatakbo uli para sa May elections.
Ayaw magpaapekto ni Pacquiao kahit binabanatan din silang mag-anak sa issue ng political dynasty dahil ang katwiran niya, wala namang batas na nagbabawal dito at karapatan din daw ng mga taong pumili ng kanilang iboboto.
Sa paulit-ulit namang issue ng pagsilip sa pagdidispley ni Jinkee sa yaman nilang mag-asawa kahit pa nasa pulitika na rin sila, ang katwiran ni Manny, alam naman ng mga tao ang pinanggalingan ng kanilang pera at dugo't pawis ang kanyang puhunan bago napunta sa kinalalagyan niya ngayon kaya deserve naman daw nilang gamitin ang perang pinaghirapan at i-flex ito tulad din ng mga normal na tao na proud kapag merong achievement.
Sa pagbabalik ni Pacquiao sa Senado, korupsiyon ang gusto niyang puksain at ang transparency sa mga nasa puwesto ay ma-implement talaga para maibigay daw sa mga tao ang deserve natin.
Ang sipag mag-house-to-house campaign ng mommy ni Julia Barretto at dating aktres na si Marjorie Barretto dahil kamakailan lang, kasama niya ang asawa ng dating senador at independent senatorial candidate na si Bam Aquino na si Timi Aquino, naglibot sila sa mga residente ng Barangay Krus na Ligas sa Diliman, Quezon City para ikampanya si Bam sa darating na May elections.
Madalas na mapagkamalan si Timi na si Marjorie dahil magkamukha ang dalawa.
Namigay ng flyers at posters sina Timi at Marjorie at kinausap ang mga residente tungkol sa mga plano ni Bam kung mahahalal muli bilang senador.
Nagpakuha rin sila ng mga litrato kasama ang mga residente.
Tumatakbo uli si Bam bilang senador at hinihintay nga ng mga supporters nito kung muli siyang susuportahan ng pinsang si Kris Aquino knowing na on the road to recovery pa lang si Kris.
Baka ang anak na lang nitong si Bimby ang maging representative ni Kris lalo't ang pagpapalawak ng Free College Law ang isa sa mga isinusulong na batas ni Bam at puwedeng maging boses si Bimby na ilang taon na lang ay magka-college na rin.
Well, abangan natin.
Opmerkingen