ni Lolet Abania | March 11, 2021
Dalawampu't pito ang patay matapos bumulusok sa bangin sa isla ng Javi sa Indonesia kagabi ang isang bus na may sakay na mga batang estudyante at ilang magulang na pauwi na mula sa excursion.
Batay sa inilabas na pahayag ng search-and-rescue agency ng Jakarta, Indonesia ngayong Huwebes, nawalan ng kontrol ang driver ng bus bago tuluyang dumire-diretso sa bangin sa lugar na malapit sa siyudad ng Sumedang sa West Java Province.
Sa report ng transportation ministry, lulan ng bus ang mga junior high school students at ilang magulang, kung saan 27 ang namatay habang 39 ang nakaligtas sa insidente.
Gayundin, makikita sa larawang nakabaligtad ang bus na nasa bangin habang ang mga rescue workers ay patuloy na hinahanap ang iba pang biktima.
Ayon kay Supriyono, isang opisyal ng local search-and-rescue agency, nasagip na nilang lahat ang mga biktima habang agad namang dinala sa ospital ang mga nakaligtas.
Hindi pa malinaw ang dahilan ng aksidente, subali't ayon sa transportation ministry, may inisyal na indikasyon na hindi pa na-update sa road worthiness tests ang nasabing bus.
Comments