ni MC @Sports | April 18, 2023
Bagamat isinilang at lumaki si Jackie Buntan sa Estados Unidos, ipinagmamalaki niya na katawanin ang dugong Pinoy sa global stage ng combat sports.
Ang 25-anyos na bayani ng Redondo Beach, California ay muling mabibigyan ng tsansa sa Mayo 5 bilang bahagi ng makasaysayang ONE Fight Night 10 card —ang kauna-unahang event ng ONE Championship sa lupain ng Amerika.
Nakaiskedyul siyang makasagupa si Diandra Martin ng Australia sa isang 3-round strawweight Muay Thai clash sa bakbakang may nakalinyang 11 matches na katatampukan ng 22 indibidwal mula sa 14 na iba't ibang bansa.
Bilang nag-iisang Filipina sa nasabing live event, ipinagmamalaki niyang maiwagayway ang bandila ng Pilipinas na kanyang pinag-ugatan habang buong tapang niyang ipakikita ang kanyang abilidad at husay. “Siguro, mahalaga, hindi lang sa akin, bilang isang Muay Thai athlete, kahit saan mapadako ay palaban ang isang Fil-Am na tulad ko,” ani Buntan.
“Maging ikaw man ay isang atleta o hindi atleta, nasa puso na natin ang pagiging palaban, ganyan ang Filipino. Nasa braso ng Pinoy ang puso, matigas, lalo na kapag pinagsama ang mga ito sa combat sports, doon mo makikita ang dakilang giting ng dugong kayumanggi," dugtong pa ni Buntan. “Tulad na lang ni Manny Pacquiao, siya lang ang nag-iisang ehemplo, taglay niyang lahat iyon, lakas, determinasyon, sipag, siya ang kinatawan ng Filipino. Lahat ng dugo natin pare-pareho kaya tayo naririto para magsilbing inspirasyon sa mas batang Pinoy, humaharap sa mundong may tiwala sa sarili, nasusubok ang tibay at kayang sumagupa sa mahihirap na sitwasyon," aniya pa.
Sa Mayo 5, titiyakin ni Buntan na maangkin ang panalo para makalapit sa potential rematch kay Smilla Sundell para sa ONE Strawweight Muay Thai World Championship.
Comments