ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Mar. 30, 2025

Kung may simula, may katapusan. Kung may buhay, may kamatayan. Ito ang isinasaad ng bawat kaarawan. Matatapos at matatapos ang maganda’t dakilang buhay na ito. Sa kabila ng ating pagkukuwari at sari-saring pagbabalatkayo na pilit nating itinatago ang totoo sa iba, hindi natin ito magagawang lubos sa ating sarili. Unti-unting darating ang mga hudyat ng katapusan na hindi natin mapipigilan.
Para sa atin, ilusyon ang kayamanan at kapangyarihan. Walang forever ang kapangyarihan. Gustuhin man ang maging diktador habang buhay, may mangyayari’t mawawala sa’yo ang pinakamimithing kapangyarihan. At maski na hawahin ang iyong mga tagasunod, ang masang sinasamba ka, panahon lang ang kailangan upang matauhan sila’t maunawaan ang ilusyong minana nila sa inyo na unti-unti ring maglalaho.
Matagumpay mang nakabalik sa kapangyarihan ang pamilyang halos 40 taon nang napalayas ng mapayapang rebolusyong nakilalang People Power, hanggang kailan pa mahahawakan ang kapangyarihan at kayamanang tila dati pa nilang ninakaw?
Pare-parehong naghahanap na ang magkatunggaling pamilya ng kani-kanilang mga kaaway.
Kung sabagay, hindi ba dapat alam ng dalawang nagtutunggaliang pamilya na mas mainam na magkampihan sila’t maging isang team tulad ng pinatingkad nilang UniTeam? Ngunit para saan ba talaga ang binuo nilang team kung pare-pareho namang makitid ang kanilang mga hinahangad at ipinaglalaban. At nasaan na ang magaling na UniTeam na kanilang binuo?
Mahirap talagang bumuo ng team kung ang hangarin ay maitim at taliwas sa diwa at espiritu ng banal na buhay ng Diyos na sa sulat ni Pablo sa mga taga-Corinto ay mababasa:
“Walang sinumang nabubuhay para sa sarili lamang. Walang sinumang namamatay para sa sarili lamang. Dahil kung nabuhay tayo para sa Panginoon, sa Panginoon tayo. Kung mamatay o mabuhay tayo, sa Panginoon tayo.” (Roma 14:7-9, 10-12)
Para kanino ba ang dalawang nagtutunggaling pamilya? Para kanino ba ang mga kaalyado nila? Para sa kapwa, sa bayan ba sila o tulad ng marami nang nauna at darating pa, pansariling interes pa rin ang pinakamahalaga, wala nang iba.
Nag-birthday noong nakaraang Biyernes ang tinatawag nilang “Tatay.” Kung saan-saang sulok ng kapuluan at daigdig, ipinadama ng mga sumusuporta’t naniniwala sa kanya ang kanilang pagmamahal sa kanilang “Tatay,” ngunit natitiyak ba nilang ganoon din ang nararamdaman nito para sa kanila?
Anong ama kaya ang magsisinungaling at magtataksil sa kanyang mga anak? Anong ama na sa gitna ng nakamamatay na pandemya, nakuha pang maghanapbuhay at pagkakitaan ang matinding takot at kalituhan ng kanyang mga kababayan sa gitna ng mapanganib na banta ng pandemya?
Kitang-kita sa dalawang panig ang sariling diyos-diyosan at diyos-diyosang makasarili. Kitang-kita kung paano nagnakaw at kumitil ng buhay ang dati pati ngayon. At habang ipinagdiriwang ang kaarawan ng isa, pikit-matang itinatanggi kung paanong namunga ng kamatayan ang kanyang maraming kaarawan.
Comments