top of page
Search

Bumigay sa pangalawang alok ni Duterte... Willie Revillame, handa nang tumakbong senador

BULGAR

ni Eli San Miguel - Trainee @Entertainment | January 29, 2024




Idineklara ni Willie Revillame na handa siyang tumakbo bilang senador sa 2025 midterm elections sa isang prayer rally sa Davao City noong Linggo, Enero 28.


Inalala niya na dati nang inaalok nina Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Bong Go ang isang puwesto sa kanilang partido para sa pagka- senador, ngunit kinailangan niyang tanggihan ito dahil sa mga kontraktuwal na obligasyon sa programa na "Wowowin."


“Last March, two years ago after ng COVID-19 [pandemic], ipinatawag po ako ni Sen. Bong Go at ng mahal na pangulo [Rodrigo Duterte] at ako ay kinausap nila sa Malacañang. ‘Yun po yung pinapatakbo niya ako bilang senator. During that time, meron akong programa sa GMA, ‘yung Wowowin,” aniya.


“Sabi ko, ‘Mahal na pangulo, meron pa po akong kontrata at hindi ko pa po kaya. 'Pag handa na po ako, pag-iisipan ko.’ Sabi nila, ‘Kung ano ang nasa puso mo, sundin mo. Kung ano ang nasa isip mo, ‘yan ang sundan mo.’ Hindi po nila ako pinilit,” dagdag niya.


Ang desisyon ng TV host ay bunga ng ilang araw na pagdarasal, introspeksiyon, at maingat na pagsasaalang-alang sa tiwala nina Duterte at Go.


“Nagdasal ako at hindi ako nakatulog, at naluluha ako dahil isang karangalan sa katulad kong TV host, na alukin ng isang presidente ng Pilipinas na magsilbi sa bayan. Ang sabi sa ’kin, ‘Mahal ka ng tao, pareho tayong mahal natin ang mga kababayan natin, kailangan ka namin sa Senado,’” pagpapatuloy niya. “Noong sinabi n'yo ‘yun sa ’kin, sinabi n'yo, kailangan hindi ko kayo mapahiya kaya ako tumanggi sa inyo… Sabi mo sa akin, ‘Saludo ako sa ’yo, Willie, dahil sinunod mo ang puso mo.’”


Ipinahayag ng host ng "Wowowin" na handa siyang gumawa ng mabuti para sa kanyang mga kababayan at nagpasalamat kay Duterte sa tiwala.


“Handa akong gumawa ng kabutihan, handa akong magsilbi, hindi lang sa bayan, handa akong magsilbi sa mga nangangailangan ng tulong. Again, mahal na Pangulo, maraming salamat sa tiwala,” pahayag ni Willie.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page