@Editorial | July 08, 2021
Talamak na naman ang ilegal na droga.
Araw-araw may natitimbog na adik, tulak, big-time supplier at mga bahay at establisimyento na ginagawang drug den.
Kumusta na nga ba ang war on drugs ng gobyerno? Mukhang nagagawang sabayan ng mga nasa droga ang pagiging abala ng lahat sa pandemya.
Usapang drug war, siniguro ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na iniimbestigahan ang mga napaulat na nasawi sa anti-illegal drug operations. Kasunod ito ng alegasyon na nagkakaroon umano ng cover-up sa mga nasawi sa operasyon at tinatakot umano ang pamilya ng mga biktima.
Tiniyak ng PNP na hindi kailanman naging polisiya ng ahensiya ang panggigipit at pang-aabuso sa mahihirap at lalo na ang pagtatakip umano ng mga kamalian sa kanilang hanay.
Ipinabatid din na mahigit 18,000 na ang naparusahang pulis sa nakalipas na limang taon at kabilang dito ang pagtanggal sa serbisyo ng mahigit 5,000 dahil sa iba’t ibang kaso ng pang-aabuso sa kapangyarihan.
Ito naman talaga ang dapat gawin, ihiwalay ang mga nabubulok para hindi na makapanghawa. Maraming matitinong alagad ng batas ang nadadamay sa kawalanghiyaan ng ilang kabaro.
Kaya hindi talaga kakayanin kung kapulisan lang ang lalaban sa salot na droga, kailangan ng tulong ng mamamayan. Walang anumang dahilan para pumasok sa ilegal na gawain — hindi ang kahirapan at lalong hindi para sa kapangyarihan.
Comments