top of page
Search
BULGAR

Bulutong, walang tigil na paglabas ng dugo sa iba't ibang parte ng katawan at

walang makita, dinanas ng 12-anyos bago namatay sa Dengvaxia.


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | October 08, 2021



Sa mga kaso na may kaugnayan sa Dengvaxia vaccine na hawak ng Public Attorney’s Office (PAO), muling napatutunayan ang kahalagahan ng kredibilidad, propesyonalismo at katapatan sa tungkulin, lalo na sa mga kliyente na humihingi ng tulong at serbisyo. Kapag nabahiran ang mga ito ng pagdududa, hindi masisisi ang naturang mga kliyente kung maghanap sila ng mapagkakatiwalaan at makakasama nila sa laban nang may buong katapatan, kagalingan at kagitingan upang mapalabas ang katotohanan at matamo ang katarungan. Kabilang sa nabanggit na mga kliyente si Gng. Marites Sedilla ng Zambales, ina ng yumaong si Venus Sedilla. Ani Gng. Sedilla:


“Sinabihan ako ng doktor na maaaring meningococcemia ang ikinamatay ng aking anak at kailangang ma-cremate at ilibing siya kinabukasan. Dahil nakakahawa diumano ang sanhi ng pagkamatay niya, kanilang isasara ang ospital para i-disinfect at patayin ang virus na maaaring manggaling sa aking anak. Subalit hindi naman nila isinara ang nasabing health unit sa mga sumunod na autopsy ng mga doktor ng Department of Health (DOH). Dahil palaisipan sa akin ang sanhi ng karamdaman ni Venus at kahit na-autopsy na siya ng DOH, napagdesisyunan kong humingi ng tulong legal kay Atty. Persida V. Rueda-Acosta at upang isailalim muli sa Forensic Examination ang mga labi niya para malaman ang naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.”

Si Venus, 12, ay binawian ng buhay noong Marso 30, 2018. Siya ang ika-84 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Venus ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia; una noong Marso 29, 2016, pangalawa noong Nobyembre 7, 2016 at pangatlo noong Hunyo 29, 2017 sa kanilang paaralan. Ayon sa kanyang ina, “Si Venus ay masayahin, masigla at malusog na bata. Siya ay hindi nagka-dengue. Hindi pa siya nagkaroon ng malubhang karamdaman at hindi pa na-ospital bukod lamang nitong kamakailan kung saan siya ay malubhang nagkasakit na naging sanhi ng kanyang biglaang pagpanaw.” Subalit, ani Gng. Sedilla, matapos maturukan si Venus ng nasabing bakuna, biglang nagbago ang kalagayan ng kanyang kalusugan. Noong 2018, mula Enero hanggang Marso, naganap ang trahedya sa buhay ng pamilya Sedilla nang magkaroon ng iba’t ibang sintomas si Venus ng malubhang karamdaman na nauwi sa kanyang kamatayan. Narito ang ilan sa mga kaugnay na detalye:


  • Enero 2018 - Labis ang dugo na lumabas kay Venus noong siya ay dinatnan ng buwanang dalaw, nakakagamit siya ng halos 20 pirasong pads kada araw. Nagtagal ang kanyang buwanang dalaw ng apat na araw. Nangingitim na animo’y luto ang dugong lumabas mula kay Venus.

  • Pebrero 5, 2018 - Sumakit ang kanyang dibdib, sikmura at nahirapan din siyang huminga. Dinala si Venus sa isang health unit sa Zambales, sinuri at niresetahan siya ng gamot. Gayunman, pabalik-balik ang kanyang lagnat sa loob ng limang araw.

  • Marso 2018, ikatlong linggo - May rashes na kumalat sa buo niyang katawan. Ang mga ito ay anyong pinaso ng sigarilyo.

  • Marso 28, 2018 - May mga lumalabas na bulutong tubig sa kanyang noo, leeg at kamay. Nagreklamo rin siya ng pananakit ng ulo at paninikip ng dibdib. Madalas niyang inirereklamo ang mga ito.

  • Marso 29, 2018 - Kumalat ang bulutong tubig sa kanyang mukha. Ani Gng. Sedilla, may mga namamahay na dugo sa bulutong tubig ng kanyang anak at sa tuwing napipisa, may lumalabas na dugo. Nagkalagnat na rin si Venus.

  • Marso 30, 2018, alas-5:30 ng hapon - Walang tigil ang paglabas ng dugo sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan. Siya ay nagsusuka at umiihi ng dugo, nagdurugo rin ang kanyang ilong at gilagid. Isinugod si Venus sa isang health center, matapos siyang resetahan ng gamot ay pinauwi sila sa kabila ng pagpupumilit ni Gng. Sedilla na i-admit sa center si Venus. Pagkalipas ng dalawang oras, habang sila ay nasa bahay, nagsabi siya sa kanyang ina na wala siyang makita at siya ay nagduduwal. Labis din ang paninikip ng kanyang dibdib, kaya agad siyang isinugod sa center, subalit hindi na siya umabot ng buhay. Sinubukan pa siyang i-revive ng doktor, ngunit pumanaw na talaga si Venus.

Bukod sa hirap na pinagdaanan ni Venus bago bawian ng buhay, hindi rin maiwasan ni Gng. Sedilla na maalala ang ilang mga pangyayari na nagbibigay ng karagdagang hapdi at bigat sa kanyang kalooban. Aniya, “Hindi nila ipinaliwanag kung ano ang maaaring maging epekto ng nasabing bakuna kontra dengue sa kalusugan ng aking anak. Hindi rin inasistihan ng isang doktor ang pagtuturok sa kanya ng nasabing bakuna.” Inamin din niya na hindi siya sang-ayon sa naganap na pagtuturok ng naturang bakuna. Pagtatapat niya, “Ang katotohanan, mismong anak ko ang pumirma ng consent form para maturukan siya ng Dengvaxia.”


Si Gng. Sedilla, ang ina na hindi nabigyan ng sapat na impormasyon at tulong; ang yumaong si Venus naman ang anak na sa murang edad ay may kakulangan sa kakayahang magkaroon ng matalinong pagpapasya. Ang naging bunga nito ay nauwi sa trahedya na maaaring hindi na mapawi sa puso at gunita ng mga Sedilla. Sa abot ng aming makakaya sa PAO, sa kasong inilapit ni Gng. Sedilla, patuloy kaming nagpupunyagi sa laban sa hukuman, hindi lamang upang makamit ang katarungan kundi upang ang mga katulad na pangyayari ay hindi na maulit pa sa ating kasaysayan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page