ni Thea Janica Teh | November 17, 2020
Inulan ng reklamo ang Barangay Igang sa Catanduanes matapos makatanggap ang mga residente ng relief goods na puno ng bulok na bigas.
Ayon kay Igang Barangay Chairman Ronnie Clemente, noong ipinamimigay nila ang sako-sakong bigas, may bumalik na mga residente at ipinakita ang mga natanggap na relief goods.
Nakitang may amag na ang bigas, maitim na at mabaho kaya hindi na puwedeng kainin. Inipon umano ni Clemente ang lahat ng bigas at halos 40 plastic ang ibinalik sa kanila.
Agad namang itinanggi ni Virac Mayor Sinforoso Sarmiento na sa kanila galing ang bulok na bigas. Aniya, “Hindi po galing sa amin iyon kasi ang ipinamimigay namin ay puti ang balot hindi yellow. Tapos wala po kaming old stock, nawawalan nga kami ng stock eh… Sa amin po yung mga nagpa-pack, inaano namin na mag-check ng quality.”
Samantala, sinabi naman ng National Food Authority sa Catanduanes na mayroon umano itong ilang toneladang bigas na ipamimigay sana sa mga nasalanta ng bagyo ngunit nabasa ng ulan. Sa ngayon ay iimbestigahan na ng mga lokal na awtoridad ang nangyaring insidente.
Σχόλια