ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Jan. 16, 2025
Dear Chief Acosta,
Bilang isang magulang, isa sa mga inaalala ko ay ang mga insidente ng bullying sa eskwelahan. Ito ay dahil na rin sa mga nababalitaan ko na may ibang kabataan na nagiging biktima ng bullying at ito ay nagreresulta sa matinding depresyon. Kung kaya, nais ko sanang malaman kung may batas ba na nag-aatas sa mga eskwelahan upang mabigyang solusyon ang mga insidente ng bullying. Salamat sa inyo. — Moi-Moi
Dear Moi-Moi,
Upang masagot ang iyong katanungan, maaari lamang na tingnan at basahin ang Seksyon 3 ng Republic Act (R.A.) No. 10627 o ang “Anti-Bullying Act of 2013,” kung saan ipinaliwanag ang mga sumusunod:
“Section 3. Adoption of Anti-Bullying Policies. – All elementary and secondary schools are hereby directed to adopt policies to address the existence of bullying in their respective institutions. Such policies shall be regularly updated and, at a minimum, shall include provisions which:
(a) Prohibit the following acts:
(1) Bullying on school grounds; property immediately adjacent to school grounds; at school-sponsored or school-related activities, functions or programs whether on or off school grounds; at school bus stops; on school buses or other vehicles owned, leased or used by a school; or through the use of technology or an electronic device owned, leased or used by a school;
(2) Bullying at a location, activity, function or program that is not school-related and through the use of technology or an electronic device that is not owned, leased or used by a school if the act or acts in question create a hostile environment at school for the victim, infringe on the rights of the victim at school, or materially and substantially disrupt the education process or the orderly operation of a school; and
(3) Retaliation against a person who reports bullying, who provides information during an investigation of bullying, or who is a witness to or has reliable information about bullying; x x x”
Upang maunawaan ng wasto ang salitang bullying, ito ay nabigyang kahulugan sa Seksyon 2 ng R.A. No. 10627 kung saan nabanggit na ang bullying ay tumutukoy sa malubha o paulit-ulit na paggamit ng isa o higit pang mga mag-aaral ng sulat, pahayag o electronic expression, pisikal na kilos, o anumang kumbinasyon nito, na nakadirekta sa ibang mag-aaral at may aktuwal na epekto na nagiging sanhi ng pisikal o emosyonal na pinsala, o ng takot ukol dito.
Nakalahad sa nabanggit na probisyon ng batas ang ilan sa mga polisiya na nararapat obserbahan sa mga paaralan upang bigyang tugon ang mga insidente ng bullying sa eskwelahan. Ilan sa nasabing polisiya ay ang pagbabawal ng mga sumusunod na akto: a.) ang bullying sa lugar ng paaralan; ari-arian na katabi ng lugar ng paaralan; sa mga aktibidad, gawain o programa na itinataguyod ng paaralan o nauugnay sa paaralan, sa loob man o labas nito; sa mga bus stops ng paaralan; sa mga school bus o iba pang sasakyan na pag-aari, inuupahan, o ginagamit ng isang paaralan; o sa pamamagitan ng paggamit ng teknolohiya o isang elektronikong aparato na pag-aari, inuupahan o ginagamit ng isang paaralan; b.) ang bullying sa isang lokasyon, aktibidad, programa na hindi nauugnay sa paaralan at sa pamamagitan ng paggamit ng teknolohiya o isang elektronikong aparato na hindi pag-aari, inuupahan o ginagamit ng isang paaralan, kung ang pagkilos o pagkilos na pinag-uusapan ay lumikha ng masamang kapaligiran sa paaralan para sa biktima, lumabag sa mga karapatan ng biktima sa paaralan, o materyal at makabuluhang pagkagambala sa proseso ng edukasyon o sa maayos na operasyon ng isang paaralan; at c.) paghihiganti laban sa isang taong nag-uulat ng pananakot, nagbibigay ng impormasyon sa panahon ng pagsisiyasat ng pambu-bully, o kung sino ang saksi sa o may maaasahang impormasyon tungkol sa pananakot.
Ito lamang ang ilan sa mga polisiya na maaaring gamitin ng mga opisyales ng isang eskwelahan upang mabigyang tugon ang mga insidente ng bullying. Karagdagan dito, maaari rin na gumawa o magkaroon ng karagdagang polisiya na mas makatutulong upang mabawasan o tuluyan nang mawala ang mga ganitong klaseng insidente, para hindi na lubos na makaapekto sa kaligtasan at pangkabuuan na kalusugan ng mga estudyante.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments