ni Anthony E. Servinio @Sports | November 5, 2023
Mga laro ngayong Linggo – MOA
9 a.m. NU vs. UST (W)
11 a.m. UP vs. ADMU (W)
2 p.m. UE vs. FEU (M)
6 p.m. UP vs. DLSU (M)
Nagising sa tamang panahon ang National University upang iligpit ang defending champion Ateneo de Manila University, 65-61 sa pagbabalik ng 86th UAAP Men’s Basketball Tournament sa MOA Arena Sabado. Sinimulan ni rookie Reinhard Jumamoy at tinapos ni Jake Figueroa ang trabaho para sa ika-walong laro ng Bulldogs at lumapit sa twice-to-beat sa Final 4.
Bumuhos si Jumamoy, ang High School MVP ng 85th UAAP ng 21 puntos sa unang tatlong quarter kasama ang walo sa third quarter para sa 52-48 lamang. Saglit naagaw ng Ateneo ang bentahe papasok sa last two minutes, 61-60, ngunit bumira ng tres si Figueroa, 63-61, at hindi na nila pinapuntos ang Blue Eagles sa huling minuto at tinuldukan ni Figueroa ang laro sa dalawang free throw na tatlong segundong nalalabi.
Nag-ambag ng 7 puntos si Figueroa sa 4th quarter upang magtapos na may 18 puntos. Nakabawi ang NU mula sa 78-88 pagkabigo sa De La Salle University noong Oktubre 28.
Sa unang laro, tinulungan ng Adamson University ang sarili at lalong itinulak ang University of Santo Tomas sa maagang bakasyon, 61-53. Lumakas ang kapit ng Soaring Falcons sa pang-apat na puwesto na may kartadang 5-5 habang bumaba sa 1-9 ang Tigers.
Hawak ng Adamson ang 48-40 lamang sa simula ng huling quarter subalit humabol at lumapit ng dalawa ang UST, 50-52. Hindi natinag ang Falcons at pinaalala lang ni Coach Nash Racela na huwag nila ipamigay ang bola na nag-resulta ng siyam na magkasunod na puntos na siyang pinakamalaki nilang lamang, 61-50.
Comments