top of page
Search
BULGAR

Bulkang Taal nakapagtala ng dalawang mahinang pagsabog ngayong araw

ni Jasmin Joy Evangelista | March 27, 2022



Nagkaroon ng dalawang mahinang phreatomagmatic eruptions ang Bulkang Taal kaninang madaling araw, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).


"Nagkaroon uli po ng mga pagsabog na mga maliit lamang, between 400 to 800 meters ang taas ng plume, kaninang 4:34 at 5:04 ng umaga," ani PHIVOLCS director at Science Undersecretary Renato Solidum sa panayam ng Super Radyo dzBB.


"Pagkatapos po noon, wala pang sumunod. At pinapakita lang ng bulkan na ito pa rin ay posibleng magkaroon ng pagsabog kaya kailangang pag-ingatan," dagdag niya.


Ayon pa kay Solidum, posibleng may kasamang abo ang naturang dalawang minor eruption.


"Posibleng may kasamang abo 'yon pero dahil maliit lamang ay baka hindi na mapansin sa labas ng crater," aniya.


Kahapon, Sabado, ay itinaas sa Alert Level 3 ang Bulkang Taal dahil sa magmatic unrest.


Ito ay matapos na ang main crater ay nag-generate ng "short-lived phreatomagmatic burst" at 7:22 a.m which was "followed by nearly continuous phreatomagmatic activity that generated plumes 1500 m accompanied by volcanic earthquake and infrasound signals," ayon sa PHIVOLCS.


Sa ngayon ay mananatiling nakataas ang Alert Level 3 sa Bulkan.


"Sapat po sa kasalukuyan ang Alert Level 3," ani Solidum.


Sa website ng PHIVOLCS, nakasaad na ang ibig sabihin ng Alert Level 3 ay: "magma is near or at the surface, and activity could lead to hazardous eruption in weeks. Danger zones may be expanded up to eight (8) kilometers from the active crater.”


Sinabi rin ni Solidum na posibleng ibaba sa Alert Level 2 ang Bulkang Taal kung hihinto ang mga pagsabog at bababa ang parameters.


"Kung may pag-akyat ng magma at umaangat ang island at dumadami ang volcanic earthquakes, kung nakikita natin 'yan, puwedeng tumaas sa alert level 4," aniya.


Hindi naman aniya kasinlakas ng pagsabog noong January 2020 ang mga naitalang eruptions ngayon dahil mabagal lamang ang galaw ng magma.


"Compared sa January 2020 eruptions na ang mga pagsabog ay napaka-explosive, itong nangyari last year at ngayon, ang magma na umakyat sa Taal ay mabagal ang kilos at may time na mai-release ang sulfur dioxide na kasama ang magma. Hindi nagkaroon ng masyadong pressure," paliwanag pa niya.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page