top of page
Search
BULGAR

Bulkang Mayon naglabas ng lava

ni Mai Ancheta | June 13, 2023




Nagpatikim ang Bulkang Mayon sa pamamagitan ng effusive eruption o pagdaloy ng lava nitong Linggo ng gabi.


Ayon kay Philippine Volcanology and Seismology (Phivolcs) Officer-in-Charge Dr. Teresito Bacolcol, pasado alas-7 ng gabi nitong Linggo nang makita ang pagdaloy ng lava mula sa isang bahagi ng Bulkang Mayon.


Ang effusive eruption aniya ay ang mabagal na pagdaloy ng lava at mababa ang kasamang gas kaya dadaloy lang ito mula sa bulkan.


Sinabi ng opisyal na mas mababa ang peligro sa effusive eruption kaysa explosive eruption kaya umaasa ang Phivolcs na sana ay hindi magkaroon ng explosive eruption sa mga darating na araw.


"So hopefully, ganito lang 'yung magiging situation, hindi na ito mag-e-evolve pa into an explosive eruption," dagdag ni Bacolcol.


Nakapagtala aniya ang Phivolcs ng 21 volcanic earthquakes mula sa bulkan pero wala pang palatandaang kailangang itaas sa Alert Level 4 ang sitwasyon sa Mayon.


Samantala, pinalawig ng Albay provincial government sa pitong kilometro ang danger zone sa Bulkang Mayon mula sa dating six kilometers dahil sa tumataas na naitalang aktibidad nito.


Batay sa abisong inilabas ni Albay Governor Edcel Greco Lagman, pinaghahanda ang lahat ng residenteng nasa seven-kilometer status para mailikas agad kapag lumala ang pag-alburoto ng Mayon.


Hangad aniya ng provincial government na matiyak ang zero casualties para masiguro ang kaligtasan ng lahat.


Mahigit 14,000 na residente na ang nailikas na sa mas ligtas na lugar dahil sa patuloy na ipinakikitang abnormal na aktibidad ng bulkan


0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page