Bulate-free, worry-free! Libreng Deworming Program sa mga estudyante
- BULGAR
- 1 day ago
- 3 min read
ni Jenny Rose Albason @Life & Style | Apr. 2, 2025

Gaano nga ba kahalaga ang pagdi-deworm? Bilang pangangalaga sa kalusugan ng mga mag-aaral, kamakailan ay nagsagawa ng Deworming Program ang Tugatog National High School o TNHS.
Ang programang ito ay naglalayon na maprotektahan ang mga estudyante laban sa mga bulate na maaaring makaapekto sa kanilang nutrisyon, konsentrasyon at pangkalahatang kalusugan.
Buong-puso itong sinuportahan ni Mr. Fortunato B. Abude, punong-guro ng paaralan, upang matiyak na ang bawat estudyante ay malusog at handang harapin ang mga hamon sa kanilang pag-aaral, dahil para sa TNHS, ang kalusugan ng bawat mag-aaral ay kanilang prayoridad.
Pero knows n’yo rin ba kung saan at paano nga ba nakukuha ang bulate?
Ayon kay Ms. Marites Limon, mula sa Tugatog Health Center, nakukuha umano ang bulate sa pamamagitan ng soil-transmitted helminthiasis o STH, isang impeksiyong dulot ng mga bulate na maaaring matagpuan sa kontaminadong lupa.
Ipinaliwanag din niya ang mga dahilan kung bakit nagkakaroon nito. Ready na ba kayong malaman ito? Ito ay ang mga sumusunod:
Maruming kapaligiran at kakulangan sa personal na kalinisan.
Paghawak ng lupa at paglalakad nang nakayapak.
Kawalan ng tamang palikuran at pagdumi kung saan-saan.
Pag-inom ng maruming tubig.
Hindi palagiang paghuhugas ng kamay bago kumain at pagkatapos gumamit ng palikuran.
Pagkain ng prutas, gulay, at iba pang pagkain na ‘di nahugasan nang maayos o hindi naluto nang sapat.
At para mas maging aware tayo sa epekto ng STH, binanggit din ni Ms. Limon ang mga karaniwang sintomas na maaaring maranasan ng isang taong may impeksiyon.
Kabilang na rito ang pananakit o paglaki ng tiyan, pamumula o pangangati ng puwitan, pagsusuka, constipation, kawalan ng ganang kumain, pagbaba ng timbang, panghihina ng katawan at pagkakaroon ng dugo sa dumi.
Kaya naman, ‘wag natin itong balewalain, mga Ka-BULGAR. Oki?
Para sa mga kabataan, maaari itong makaapekto sa kanilang pisikal at mental na pag-unlad, na maaaring magdulot ng mabagal na paglaki at hirap mag-concentrate.
Kung patuloy umano itong mapapabayaan, maaari itong humantong sa mas malubhang komplikasyon.
Gayunpaman, hindi umano maaaring maturukan ang mga estudyanteng nagdadalantao. Kaya mahalaga umano na malaman muna nila kung kailan ito huling niregla.
Samantala, para naman maiwasan ang sakit na dulot ng bulate, oks na gawin ng mga estudyante ang tinatawag na WASH (Water, Sanitation and Hygiene) strategy.
Ang WASH strategy ay nakatuon sa pagpapanatili ng malinis na tubig, maayos na sanitasyon at tamang pangangalaga sa personal na kalinisan upang maiwasan ang pagkalat ng iba pang sakit.
Narito ang ilan sa mga maaaring gawin upang maisabuhay ang WASH strategy:
Pagpapakulo o pagsasala ng inuming tubig.
Pagtuturo sa mga bata ng tamang paraan ng paggamit ng palikuran.
Pagpapanatili ng kalinisan sa kapaligiran.
Pagtuturo sa mga mag-aaral ng tamang paghuhugas at pagluluto ng pagkain upang matiyak na ito ay ligtas.
Sa pamamagitan ng WASH strategy at iba pang kaugnay na aktibidad, mas mapapalakas ang proteksiyon ng mga mag-aaral laban sa STH at iba pang impeksiyon, na magreresulta sa mas malusog at mas produktibong komunidad.
Kaya naman, hinihikayat ng Tugatog Health Center ang mga parents o guardian na regular na ipa-deworm ang kanilang mga anak upang matiyak na sila ay malusog at malayo sa sakit na dulot ng bulate.
Mahalaga umano ang kanilang pakikiisa upang masiguro na ang mga bata ay protektado laban sa impeksiyon nito at mapanatili ang kanilang mabuting kalusugan, na makakatulong din sa kanilang paglaki at pagganap sa paaralan.
So ready ka na ba magpa-deworm, Iskulmate? Hindi ‘yan ang tipikal na food sharing na gusto natin! Ang bulate ay hindi lang basta istorbo sa tiyan, dahil kinakain din nila ang nutrisyon na dapat ay para sa atin, kaya hindi na nakakapagtaka kung bakit may mga batang madaling mapagod, mahina ang resistensiya at hirap mag-focus sa klase.
Kaya mabuti na lang talaga may Deworming Program ang Tugatog National High School para matiyak na walang unwanted tenants sa ating katawan.
Iskulmates, hindi lang ito simpleng gamot, kundi isang hakbang para masigurong tayo ay malusog, masigla at handang humataw sa pag-aaral.
Kaya huwag sana nating hayaan na ang bulate ang makinabang sa mga sustansiyang para sa atin. Makiisa sa deworming at siguraduhin na ikaw lang ang boss sa katawan mo—dahil sa labanang ito, walang puwang para sa pasaway na bulate! Gets?
Oh, nag-enjoy ba kayo Iskulmates? Ang Iskul Scoop ay ang pinakabagong column namin dito sa Bulgar na naghahatid ng mga balita at kuwento tungkol sa mga kaganapan sa iba't ibang paaralan. Layunin nitong magbahagi ng mga makabuluhang impormasyon at tips na makakatulong sa mga estudyante sa kanilang pang-araw-araw na buhay sa eskuwelahan.
So, kung gusto n'yong maging bahagi rin ng Iskul Scoop at meron kayong mga kuwento, inspiring stories o events na gusto n'yong i-share sa mga ganap sa inyong campus, mag-email lang sa iskulscoop@gmail.com para mailathala sa aming pahayagan.
Comments