ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 17, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Catherine ng Meycauyan, Bulacan
Dear Professor,
Ang panaginip ko ay biglang may dumaang bulalakaw sa langit at agad naman akong nag-wish. Ano ang ibig sabihin ng panaginip kong ito?
Naghihintay,
Catherine
Sa iyo, Catherine,
Tayong mga Pinoy ay may paniniwala na kapag humiling sa bulalakaw, ang nag-wish ay susuwertehin na matupad ang kanyang wish. Pero sa totoo lang, sa buong mundo ay may paniniwala ring ganito, kaya mahirap balewalain ang nasabing paniniwala ng mga tao.
May mga nagpatunay na nagkatotoo ang wish nila. ‘Yung isang kaibigan ko, ang hiling ay bumalik ang boyfriend niya dahil naagaw ng iba. Laking-gulat niya dahil tatlong araw pagkatapos niyang humiling, nagkabalikan na sila.
At ang kuwento niya ay mahirap paniwalaan dahil sabi niya, may binayaran siyang manghuhula, pero wala namang nangyari sa gusto niya na magkabalikan sila ng kanyang boyfriend. Dagdag pa niya, tatlong beses siyang hiningan ng pera, pero wala rin siyang napala.
Tapos, may isang nagsabi na sa pamamagitan ng gayuma, puwedeng bumalik sa kanya ang boyfriend niya, kaya lang, magbabayad siya ng P2,000 para sa gayuma. Bumili naman siya dahil talagang mahal na mahal niya ang boyfriend niya, pero ganundin, hindi epektibo ang gayuma na nakalagay sa boteng maliit.
Nasiraan na siya ng loob at sobrang lungkot na niya. Sabi niya, wala na kasing pag-asa na magkabalikan pa sila ng boyfriend niya. Gayundin, sabi pa niya, ikinunsidera na niyang magpaligaw sa iba at handa na siyang magmahal ng iba. Saka sabi pa niya, ‘pag nagka-boyfriend ulit siya, kahit paano ay sasaya na siya.
Nakipag-date na siya sa iba, pero nandu’n pa rin sa puso niya ang kanyang boyfriend. Nang malaman ng boyfriend niya na nakikipag-date na siya sa iba, laking-gulat niya dahil nagbalik ang boyfriend niya. Ngayon, sila na ulit!
Ayon sa kuwento niya, noong mga gabing hindi siya makatulog, nakatitig lang siya sa langit na parang nakatulala dahil sa sobrang lungkot, tapos may nakita siyang bulalakaw na nagdaan. Nang makita niya ang bulalakaw, naalala niya na kapag humiling dito, ang wish ay magkakatotoo.
Kaya lang, wala na ‘yung bulalakaw na nakita niya nang maisip niyang humiling. Pero kakaibang sigla ang bigla niyang nadama, nakatitig pa rin siya sa langit pero hindi na kasing lungkot nu’ng una dahil bigla siyang sumigla.
Bago mag-madaling-araw, nakatitig pa rin siya sa kalangitan nang may isang bulalakaw na nagdaan ulit at sinabi niya ang kanyang hiling. Umaga na ngunit gising pa siya, pero nakalimutan na rin niya ang tungkol sa bulalakaw.
Mga tatlong araw ang lumipas, nag-message sa kanya ang lalaking mahal na mahal niya. Hindi niya alam kung magre-reply siya o hindi, pero biglang naalala niya ang bulalakaw na nakita niya noong madaling-araw. Hindi pa rin siya makag-reply, pero sa huli, sinabi niya, “Kumusta ka rin?” Simula noon, mga love notes na ang isinesend ng boyfriend niya at nagkabalikan na sila.
Hindi lang ‘yan ang kuwento ng nagkatotoo ang hiling sa mga bulalakaw dahil ang mga nagkaproblema na may kaugnayan sa pampinasyal ay natulungan din ng mga bulalakaw. May mga kuwento rin na dahil sa bulalakaw ay nakahanap ng trabaho ang isang hindi matanggap-tangap sa kumpanya.
Sa panaginip ay ganundin ang kahulugan kung saan ang bulalakaw ay may dalang suwerte sa tao. Ang kaibahan lang ay sa panaginip, hindi na kailangang humiling dahil ang nakapanaginip ng bulalakaw ay makararanas ng pagdagsa ng mga buwenas o magagandang kapalaran na tiyak na magaganap sa susunod na mga araw, lalo na sa panahong ngayong nalalapit na ang Kapaskuhan.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments