ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | January 25, 2022
Dear Doc Erwin,
Ako ay 55 years old, may hypertension. Noong nakaraang taon, na-mild stroke ako at dahil dito ay iminungkahi ng aking doktor na magbawas ako ng timbang at uminom ng aspirin araw-araw.
Samantala, may kaibigan ako na halos kasing edad ko na ay umiinom din nito, ngunit every other day naman siya kung uminom, hindi katulad sa akin na araw-araw.
Iniinom niya raw ito sa dalawang dahilan – upang maiwasan ang stroke at makaiwas sa cancer.
Totoo ba na nakatutulong ito upang makaiwas sa cancer? - Edwin
Sagot
Maraming salamat Edwin sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at sa pagsubaybay sa ating health column.
Aspirin ang unang non-steroidal anti-inflammatory drug o NSAID na nadiskubre ng mga siyentipiko. Ito ay may laman na acetylsalicylic acid o salicylate na nanggagaling sa halamang willow tree at myrtle. Ang bark ng willow tree ay matagal nang ginagamit sa panggagamot ng sakit ng ulo (headache) at kirot.
Bukod sa paggamit nito ng mga doktor sa panggagamot ng sakit ng ulo at kirot, ginagamit din ito sa sipon at trangkaso, menstrual cramps, arthritis, sprains at migraine.
Gayundin, ginagamit ito upang makaiwas sa pagbuo ng blood clots sa mga pasyenteng mataas ang risk na magkaroon ng cardiovascular events, tulad ng atake sa puso at stroke. Ang kadalasang pinaiinom ng low-dose aspirin (80 o 100 milligrams) ay ang mga nagkaroon na ng stroke at atake sa puso at mataas ang risk na ito ay maulit muli. Maaari rin imungkahi ng doktor na uminom ng low-dose aspirin ang mga may angina o pagsakit ng dibdib (chest pain) dahil sa sakit sa puso.
Sa mga kondisyong nabanggit ay karaniwang pinaiinom ng doktor ang low-dose Aspirin araw-araw. Sa pag-aaral na inilathala sa Journal of Cardiovascular Risk noong April 1996, epektibo rin ang pag-inom ng low-dose Aspirin (100 milligrams) every other day. Sa clinical trial na inilathala noong 2001 ang resulta sa Clinical and Applied Thrombosis and Hemostasis journal ay epektibo rin ang pag-inom ng low-dose Aspirin every three days.
Tungkol naman sa iyong katanungan kung maaari ba itong gamitin upang maiwasan ang cancer, ito ay sinagot ng National Cancer Institute at ng U.S. Preventive Services Task Force (USPSTF) sa Amerika. Sa rekomendasyong inilabas noong 2016, iminungkahi ng U.S.
Preventive Services Task Force na uminom ng low-dose Aspirin ang mga indibidwal na may edad 50 hanggang 59 para sa primary prevention ng cardiovascular disease (CVD) at colorectal cancer (CRC).
Sa isang analysis ng dalawang cohort studies na pinangunahan ni Dr. Andrew Chan ng Harvard Medical School, na inilathala noong June 2016 sa scientific journal na JAMA Oncology, ang pag-inom nito ay nakapagpababa ng risk for colorectal cancer at iba pang uri ng gastrointestinal cancer.
Sa mga observational studies na isinagawa ay maaaring may anticancer properties at nakapagpapababa ng risk ang aspirin laban sa melanoma, ovarian cancer at pancreatic cancer.
Tandaan, ang pag-inom nito para sa pag-iwas sa cardiovascular disease (CVD), colorectal cancer (CRC) at iba pang uri ng cancer na ating nabanggit ay kinakailangan ng pagsubaybay ng inyong doktor dahil mayroong risks ang regular na pag-inom nito, tulad ng stomach irritation, indigestion, nausea, pagsusuka, pagdugo ng bituka at pagpasa (bruising). Bagama’t rare ang side-effect, maaari itong maging dahilan ng hemorrhagic stroke.
Sana ay nasagot ng ating mga ipinahayag sa itaas ang iyong mga katanungan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
Kommentare