top of page
Search
BULGAR

Bukod sa pagmumog ng tubig at asin… Bawang at peppermint tea bags, oks na home remedy sa

sakit ng ngipin.


ni Justine Daguno - @Life and Style | October 05, 2021




Isa sa napakahirap indahin sa buhay ay ang sumasakit na ngipin. True naman, hindi ito ganu’n kadaling dedmahin, lalo pa’t bukod sa pakikipag-chikahan, isa sa mga paborito nating gawin ay ang kumain.


Madalas, may pagkakataon pa na kahit lumaklak na ng gamot ay tila wa’ epek pa rin, kaya’t imbes na sakit sa ngipin lang ang problema, madadamay pati ang ulo dahil sobrang nakaka-stress talaga ‘to. Feel mo?


Pero, worry no more dahil keri nang i-relieve ang sakit ng ngipin sa mga simpleng paraan. Goods ‘to dahil mura na, natural pa, sundin lamang ang ilang steps nito:

1. TUBIG NA MAY ASIN. Knows n’yo ba na ang tubig na may asin ay natural na disinfectant? Sa pagmumumog nito, madaling naaalis ang mga bakterya mula sa naiwang pagkain at iba pang particles na naipon sa ngipin na dahilan kaya ito sumasakit. Gayundin, makatutulong ito upang maiwasan ang pamamaga sa bahaging ito. Sa paggamit nito, ihalo lamang ang 1/2 teaspoon (tsp) ng asin sa isang baso ng maligamgam na tubig saka ito gamitin bilang mouthwash o imumog ilang minuto pagkatapos magsepilyo.


2. HYDROGEN PEROXIDE. Epektibo rin na pang-remedyo sa sakit at pamamaga ng ngipin ang pagmumumog ng hydrogen peroxide o agua oxigenada. Ito rin ay mabisang nakapapatay ng bakterya at nakapagpapatigil ng pagdurugo ng gilagid. Bago ito gamiting pangmumog, kailangang pantay ang dami nito sa tubig na meron ang iyong baso (hindi kailangang puno) saka ito haluin at siguraduhing na-dilute ito saka imumog sa loob ng isa hanggang dalawang minuto.


3. COLD COMPRESS. Oks din gumamit ng cold compress upang mapawi ang sakit ng ngipin, lalo na kung trauma o pagkabunggo ang dahilan ng pagsakit nito. Sa pamamagitan nito, maiiwasan ang pamamaga. Ibalot lamang ang ilang cubes o katamtamang laki ng yelo sa towel saka ito idampi sa apektadong bahagi sa loob ng 20-minuto, maaari itong ulitin kada dalawang oras hanggang sa tuluyang humupa ang pamamaga o mawala ang sakit.


4. PEPPERMINT TEA BAGS. Ito naman ay mabisang pampamanhid o pampakalma ng sensitive na gilagid. Kumuha lamang ng peppermint tea bags na bahagya lamang pinalamig (kailangang may katamtaman itong init) saka ito ilagay sa masakit na bahagi. Maaari ring gumamit ng malamig nito, pero kailangan itong ilagay sa freezer ng ilang minuto bago gamitin.


5. BAWANG. Kilala ang bawang dahil sa dami ng medical alternatives nito. Hindi lamang ito pamatay ng mga bakterya sa ngipin o iba pang bahagi ng bunganga, kundi epektibo rin itong pain reliever. Magdurog lamang ng bawang hanggang sa tila maging paste ang consistency nito saka ilagay sa masakit na bahagi. Maaari rin itong lagyan ng kaunting asin upang mas maging epektibo.

Tandaan na ang mga nabanggit natin ay pansamantalang pamawi lamang ng sakit ng ngipin. Magkakaiba ang dahilan kung bakit ito sumasakit kaya mahalagang malunasan ito depende sa sitwasyon. May pagkakataong ang dahilan ay kulang lamang sa good hygiene, pero madalas ay kailangan na talagang bumisita sa dentista. ‘Ika nga ng mga ito, “Ano’ng gusto mo, isang bisita lang o paulit-ulit na pagsakit ng ngipin?” ‘Yan, mamili ka. Okie?

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page